
Ikinuwento ni Angelu De Leon sa Fast Talk with Boy Abunda na nagpaalam muna siya kay Pasig Mayor Vico Sotto bago niya gawin ang kaniyang role sa hit GMA series na Pulang Araw.
Sa nasabing serye, binibigyang buhay ni Angelu ang karakter na si Carmela Borromeo isang mayamang Pinay na asawa ni Julio Borromeo (Epy Quizon) na may-ari ng isang Vaudeville theater noong panahon ng pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas at pagdating ng mga mananakop na Hapones sa bansa.
Pero bukod sa pagiging aktres, isa rin kasi sa mga konsehal ng Pasig City si Angelu kaya minabuti niya na magpaalam muna sa alkalde ng kanilang lungsod na si Vico bago sumalang sa taping.
Kuwento ni Angelu sa batikang TV host na si Boy Abunda, “Para mabalanse kasi siyempre may mga taping din na kailangan doon. Para rin in respect doon sa trabaho ko ngayon na bilang konsehal ng Pasig, kailangan magpaalam.”
“Para rin hindi siya laging naghahanap, 'Nasaan si Angelu?'” biro pa ng aktres.
Ang Pulang Araw, ang naging drama comeback ni Angelu matapos siyang mag-lay low pansamantala sa showbiz.
Ayon kay Angelu, mahalaga ang Pulang Araw dahil nagsisilbi itong tribute para sa mga ninuno at unsung heroes ng bansa.
Aniya, “It's high time for us to be proud to be Filipinos kasi hindi madali ang pinagdaanan ng mga ninuno natin and we have to pay tribute to them, not just to them personally, even the unsung heroes kasi 'yun 'yung mga hindi natin nalaman 'yung kuwento pero malaki ang naging ambag nila sa kalayaan natin ngayon.”
Ang Pulang Araw ay pinagbibidahan nina Sanya Lopez, David Licauco at Alden Richards. Kabilang din sa serye ang premyadong aktor na si Dennis Trillo.
Samantala, tumutok din sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: Then and now: Angelu de Leon's ageless beauty