
Isa ang Unang Hirit weather presenter na si Anjo Pertierra sa mahigit isang milyong Pilipino na naapektuhan ng Bagyong Carina (o Super Typhoon Carina) at habagat (southwest monsoon) na nagbuhos ng napakaraming ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa kahapon July 24.
Pero sa kabila ng sakuna na naranasan ni Anjo, nag-report pa rin ang Unang Hirit heartthrob ngayong Huwebes ng umaga para makapagbigay ng makabuluhang impormasyon sa publiko tungkol sa lagay ng panahon at pananalasa ng Bagyong Carina.
Ibinahagi ni Anjo sa kaniyang post sa Instagram Story noong Miyerkules ng hapon na pinasok ng baha ang kanilang tahanan sa Marikina.
Ipinasilip pa niya ang pinto ng kaniyang kuwarto na pinasok ng tubig baha.
Aniya, “This is my room, hindi ko na mabuksan dahil sa dami ng tubig sa loob. Lahat ng gamit ko nandun. Thankful for my neighbor dahil ginising nila ako. Need help.”
Sa sumunod niyang post, makikita na may hawak siyang isang bag at ito na lamang daw ang nadala niya sa binaha nilang tahanan.
“This is all what's left. Ingat po tayong lahat, mamayang gabi o bukas ng madaling araw pa inaasahang lalabas ng PAR si Carina. Stay updated po.” sabi ni Anjo sa post.
Ayon sa huling ulat ng GMA News Online, na-downgrade na sa typhoon level uli si Bagyong Carina mula sa pagiging super typhoon. Sa kasalukuyan, ito ay nasa 465 kilometers north ng Itbayat, Batanes base sa report Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
RELATED CONTENT: ARTISTAHING VOLLEYBALL HEARTTHROBS