
Dalawang dekada nang naghahandog ng iba't ibang mga istorya ang KMJS na mainit pa ring tinatangkilik ng mga manonood.
Nitong Huwebes, November 7, ginunita ng multi-awarded program ang kanilang 20th anniversary. At sa mismong araw na iyon, mapalad na nakapanayam ng GMANetwork.com ang host ng show na si Jessica Soho.
"Uy, 20th year na pala natin," sambit ni Jessica nang tanungin siya tungkol sa selebrasyon ng KMJS.
Kuwento ni Jessica, nang naalala ng ilang miyembro ng team na iyon ang anniversary nang araw na iyon ng show, nagkayayaan sila na puntahan ang 20th Anniversary billboard ng KMJS na nasa EDSA Timog.
"[Sabi ko,] 'Halika, magkape tayo. Akyat tayo sa billboard, magpa-picture tayo doon. Mag-APT APT tayo,'" banggit ni Jessica.
Itatakda pa ang petsa ng malakihang salu-salo kapag kumpleto na ang kanyang team dahil ang iba ay nasa shoot para sa espesyal na episode na hinahanda nila para ngayong Linggo.
Aniya, "Every little thing na puwedeng isingit to celebrate the 20th [anniversary] of KMJS, ginagawa namin. Pero sa totoo lang kasi, we are in the middle of producing another episode for this week. Na-imagine ko noon 'pag nag-20 kami may grand celebration. Then the time comes and I realized, there is not a day to spare for a grand celebration pala."
Pero lubos daw nilang ikinagagalak at ipinagmamalaki ang milestone na narating ng programa na umabot ng dalawang dekada sa telebisyon. "We're happy na we've reached 20 years, we've gone this far. 'Yung core group ng KMJS is still with me. Narito pa rin kami, nakakapag-produce week in and week out."
Abangan ang 20th anniversary episode ng KMJS ngayong Linggo, November 10, 8:20 p.m. sa GMA 7.