
Isang masayang hapon ang pinagsaluhan ng internet star na si Arman Salon, Mikee Quintos, at Chef Ylyt sa latest GTV cooking talk show na Lutong Bahay.
Sa nasabing episode ay binalikan nila ang istorya ng pagiging TikTok sensation ni Arman Salon.
“Kasi bata pa lang talaga ako, mahilig akong umarte,” ani Arman.
Ayon kay Arman ay walang nagdikta sa kaniya na simulan ang pagiging content creator dahil masaya raw talaga ito sa paggawa ng videos.
“Sino nagsabi sa inyong mag-TikTok ka?” tanong ni Chef Ylyt.
Sagot naman ng influencer, “Ako. Ako talaga. Gusto ko talaga 'yung ginagawa ko. Masaya ako sa ginagawa ko.”
“Walang nagturo [...] dahil alam ko, ramdam ko na parang may bumubulong sa akin [na] 'gawin mo 'yan, isang araw makikilala ka,'” dagdag ni Arman. “Si Lord. Parang may bumubulong-bulong.
Samantala, nakuha naman nito ang inspirasyon ng kaniyang screen name na Arman Salon upang mas ipakilala sa mga tao ang kaniyang salon na kasalukuyang nagtataguyod sa kaniya, sa mga anak, at sa mga apo nito.
Paliwanag niya, “Siyempre, 'pag Arman Salon, mas makikilala ['yung salon ko]. Kumbaga, mas lalong maraming magpapagupit sa akin.”
Ngunit sa ngayon, kung papapiliin daw siya sa pagitan ng paggupit o pagiging content creator, aminado si Arman na pipiliin niya muna ang pagiging internet star.
“[Sa content creation] muna ako popokus,” ani Arman. “Kasi ang paggugupit, puwede namang balikan; hindi naman mananakaw 'yan, eh. Kumbaga, kahit mawala ako nang ilang taon diyan sa paggugupit, puwede pa rin akong bumalik.”
Dagdag niya, “Siyempre, sa edad kong 'to, gusto ko naman maramdaman kung paano maging kahit maliit na artista lang, 'di ba? Masaya na ako roon. Madaanan lang ako ng kamera, masaya na ako roon.”
Excited namang binahagi ni Arman na mapapanood na rin siya sa mga upcoming shows ng GMA Network sa mga susunod na panahon.
“Sa teleserye, abangan niyo ako, ha. Sunod-sunod na 'yun!” pag-imbita ni Arman sa mga supporters.
Panoorin ang Lutong Bahay, Lunes hanggang Biyernes, 5:45 p.m., sa GTV.
RELATED GALLERY: Get to know the new content creators of Status by Sparkle