
Hindi umano apektado si Ashley Ortega sa mga nagsasabing hindi siya sikat. Sa katunayan, hindi na niya kinukuwestyon ang sarili pagdating sa kaniyang pagiging aktres.
Sa February 10 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, sinabi ni Ashley na hindi naman niya mako-control ang opinyon ng mga tao tungkol sa kaniya. Saad pa ng aktres, alam naman niya ang halaga at kakayanan niya bilang aktres.
“I know what I am capable of, and as long as alam kong ginagawa ko naman ng tama 'yung trabaho ko, you know, I wouldn't question myself.,” sabi ni Ashley.
Pag-amin ng aktres, noong una ay talagang naaapektuhan siya tuwing may nakikita siyang ganung komento. Ngunit kalaunan ay hindi na lang niya ito pinapansin, lalo na at marami naman siyang natatanggap na papuri.
“'Yun na 'yung judgement sa 'kin and I don't have to prove anything to them kasi hindi naman sila 'yung nagbibigay ng project sa 'kin, 'di naman sila 'yung bumubuhay sa akin,” saad ng aktres.
Kaugnay nito, sineseryoso daw ni Ashley ang lahat ng kanyang proyekto at ginagawa ang lahat ng makakaya para bigyan ng hustisya ang mga role na ginagamapanan niya.
BALIKAN ANG PAGKAPANALO NI ASHLEY NG BEST ACTRESS AWARD SA HARLEM INTERNATIONAL FILM FESTIVAL SA GALLERY NA ITO:
Sa katunayan, nakatanggap ng maraming papuri si Ashley sa kaniyang role bilang si sister Manuela sa hit historical drama series na Pulang Araw. Dito ay ipinamalas ng aktres ang kaniyang husay sa pag-arte sa pamamagitan ng pagganap bilang isang madre na naging comfort woman.
Hindi lang ang netizens na sumusubaybay noon sa naturang serye, maging ang mga kaibigan at katrabaho ni Ashley sa industriya ay nag-iwan ng magagandang komento tungkol sa kaniyang acting performance.