GMA Logo Ate Gay
What's Hot

Ate Gay, nagtrabaho bilang janitor, dishwasher, at miyembro ng Singing Cooks and Waiters

By Bianca Geli
Published October 21, 2025 12:21 PM PHT

Around GMA

Around GMA

19 areas under Signal No. 1 as Wilma approaches Samar Island
Dawn Zulueta opens up on navigating menopause with grace and confidence
Torres game-winner saves Benilde, forces semis do-or-die versus SBUĀ 

Article Inside Page


Showbiz News

Ate Gay


Bago sumikat bilang komedyante, pinasok muna ni Ate Gay ang iba't ibang trabaho kabilang ang pagiging janitor, dishwasher, at miyembro ng Singing Cooks and Waiters.

Bago maging kilalang stand-up comedian at impersonator ni Nora Aunor, ibinahagi ni Ate Gay, o Gil Morales sa tunay na buhay, ang mahaba at makulay na pinagdaanan niya bago sumikat sa entablado.

Sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinalik ni Ate Gay ang alaala ng kaniyang kabataan sa Tondo, Maynila, kung saan siya lumaki sa isang pamilyang kapos sa buhay. Kuwento niya, jueteng collector daw siya noong bata pa, habang ang kaniyang ina naman ang nagpapataya. Kasabay ng pag-aaral, pinasok din niya ang iba't ibang trabaho--mula sa pagiging janitor at tagahugas ng pinggan hanggang sa pagiging miyembro ng Singing Cooks and Waiters sa isang restaurant.

Isang pagkakataon sa comedy bar na Music Box ang nagbukas ng pinto para sa kaniyang karera. Ayon kay Ate Gay, kinanta niya noon ang “Konting Awa,” ang theme song ng pelikulang The Flor Contemplacion Story na inawit ni Nora Aunor. Narinig siya ng may-ari ng bar, isang Noranian, at inakala umanong nagli-lip sync siya dahil sa sobrang pagkakahawig ng boses. Doon nagsimula ang kaniyang buhay sa comedy bars.

Hindi naman itinuring ni Ate Gay ang sarili bilang “magaling magpatawa.” Aniya, marahil ay dahil “nararamdaman lang ng mga tao ang puso ko na gusto kong magpasaya.”

Ngayon, habang patuloy na nilalabanan ang stage 4 Nasopharyngeal Carcinoma, nananatili ang kaniyang pagiging matatag at positibo. Sa gitna ng gamutan, biro pa niya, “Magpapahinga, babalik sa comedy bars,” saka sinundan ng, “Magpapabalakang at magpapalagay ng dibdib.”

Ayon kay Ate Gay, unti-unti nang lumiit at hindi na dumudugo ang bukol sa kaniyang leeg matapos ang ilang sesyon ng chemotherapy at radiation. Pahayag pa ng kaniyang doktor na si Dra. Jaymee Fernandez-Ramos, maganda ang nagiging tugon ng katawan ni Ate Gay sa paggamot at malaki ang posibilidad ng kaniyang paggaling.

Sa kabila ng laban, puno ng pasasalamat si Ate Gay sa mga taong patuloy na nagbibigay sa kaniya ng tulong at dasal. “Magaling si Lord, binibigay sa'yo 'yung mga handang tumulong,” aniya. Kasabay nito, nanawagan din siya sa pamahalaan na bigyang pansin ang mga pasyenteng may cancer na walang sapat na kakayahang magpagamot.

Sa kabila ng lahat, nananatili si Ate Gay na inspirasyon, isang patunay na kahit sa gitna ng hirap at karamdaman, tuloy pa rin ang tawa at pag-asa.

RELATED GALLERY: Ate Gay, patuloy ang paggaling matapos maipagamot ang bukol sa leeg: 'May himala'