
“What makes us special is not our achievements, but our contribution to society and the common good.”
Iyan ang naging paalala ng batikang journalist at documentarist na si Atom Araullo sa mga bagong graduates ng Philippine Science High School sa graduation ceremony nila nitong Sabado, June 8.
Graduate si Atom ng Philippine Science High School na kilala sa pagkakaroon ng curriculum na focused sa science at mathematics. Kaya naman hindi malayo na maging scientists, mathematicians, o engineers ang graduates ng eskwelahan.
Sa speech ni Atom sa nasabing graduation ceremony, pinaalalahanan niya ang mga graduates na gamitin ang kanilang talino at galing hindi lang sa pagtupad ng kanilang mga pangarap, kundi para makapagdala ng “makabuluhang pagbabago” sa lipunan.
Dito, inilista ni Atom kung ano nga ba ang papel ng isang siyentipiko sa lipunan, kabilang na ang paggamit ng kaalaman para sa kabutihan ng nakararami.
“Napakayaman at napakalawak ng kaalaman ng mga siyentista. Sanay at bihasa sila --kayo --sa pagsasaliksik. Marunong kayong maghimay at magsuri ng impormasyon sa maraming larangan na may direktang epekto sa buhay ng mamamayan,” sabi niya.
“Magagamit natin ang kaalaman upang baguhin ang buhay ng maraming nagugutom, naghihirap, at salat sa mga oportunidad upang umunlad,” pagpapatuloy niya.
Aniya, ang tinutukoy ng mga katagang “for the greater good” ay karamihan sa mga Pilipinong “kapit sa patalim at napagkakaitan ng mga batayang karapatang pantao at serbisyong panlipunan.”
BALIKAN ANG NAGING CAREER NI ATOM MULA CORRESPONDENT TO AWARD-WINNING BROADCAST JOURNALIST SA GALLERY NA ITO:
Ayon pa kay Atom, ang isa pang tungkulin ng isang siyentipiko ay makiisa sa mga mamamayan para makita at maintindihan ang mga pagsubok na pinagdadaanan nila. Paraan umano malaman kung ano ang kailangan ng ordinaryong mamamayan at kung ano ang dapat baguhin upang maibigay ito.
“Pakinggan natin sila, alamin ang kanilang mga pananaw at opinyon, lalo't sila rin ang bihasa sa sitwasyon sa kani-kanilang mga pamayanan,” sabi niya.
Importante rin, ayon kay Atom, na palawakin ng mga graduate ang kanilang mundo sa labas ng classroom at ng computer screen.
Paliwanag niya, “I wanted the full student experience, at alam kong hindi lang ito nagtatapos sa pagsusumikap na makakuha ng magagandang grado sa eskwelahan.”
Pinaalalahanan din ni Atom na kahit marami nang alam ay huwag magdunung-dunungan ang mga estudyante, at aminin sa kanilang sarili kung meron silang hindi alam tungkol sa isang bagay. Dagdag pa niya, hindi dapat tumitigil na matuto ang isang tao.
Sa huli, nagbigay ng kaniynag kahilingan si Atom hindi lang para sa mga graduates at upcoming students, kundi maging sa mga guro at staff.
Aniya, “May we all use our learning and expertise for the betterment of our society. This underscores a fundamental aspect of being a responsible and ethical scientist, a responsible Filipino.”
Mensahe naman niya sa 2024 graduates, “Gawin natin ang lahat upang maglingkod sa bayan, gamitin ang lakas, galing, tapang, at talino para sa kapwa natin Pilipino. Search for the untarnished truth. Mabuhay kayo.”
Basahin ang buong speech ni Atom dito: