
Inamin ng sexy actress at celebrity mom na si Aubrey Miles sa Fast Talk with Boy Abunda na hindi siya naniniwala noon sa ideya ng pagpapakasal.
Matatandaan na matapos ang labing walong taon na relasyon at pagsasama nina Aubrey at ng kaniyang longtime partner na si Troy Montero ay noong June 9, 2022 lamang natuloy ang kanilang kasal.
Sa pagsalang ni Aubrey sa isang panayam kasama ang TV host na si Boy Abunda, ibinahagi ng aktres ang ilan sa mga naging dahilan ng kanilang long-overdue wedding day.
Kuwento niya, “Sa totoo lang, ito hindi ata alam ng mga tao, I don't really believe in marriage, married ka sa isang tao forever, alam kong may forever but not in papers. Before ganun ako 'yung mentality ko, until ten years sabi ko [kay Troy], 'Why do we get married pa kung alam ko naman na it's you?' Wala na talaga, sa brain ko siya na talaga, e.”
Sumang-ayon naman noon si Troy sa gusto ni Aubrey na huwag nang magpakasal pero inisip din nila noon ang kanilang mga anak at pamilya kung kaya't pinag-isipan din ito ng aktres.
Ayon kay Aubrey, bago magkaroon ng pandemya ay ikakasal na dapat sila ni Troy ngunit hindi ito natuloy dahil sa mga quarantine restriction.
Aniya, “Before pandemic dapat magpapakasal na kami, may schedule na kami, saang place, tapos biglang nag-pandemic, sabi ko, 'Meant to be ba talaga 'to nagpandemic e ikakasal na tayo.'”
Nang maging maluwag na ang sitwasyon matapos ang COVID-19 surge, naging bukas na raw si Aubrey sa ideya ng pagpapakasal.
“After pandemic doon na-feel ko na na parang open na 'yung heart ko, open na 'yung mind ko, na I think wala namang masama kung may papers okey lang din,” anang aktres.
Paglilinaw niya, hindi naman siya takot sa kasal, sadyang hindi niya lamang maintindihan ang ideya nito noon.
“Hindi ako takot e, hindi ko lang ma-gets 'yung idea before bakit kailangan pang i-commit pa 'yung sarili mo forever,” ani Aubrey.
May dalawang anak na rin sina Aubrey at Troy na sina Hunter Cody at Rocket. Si Aubrey naman ay may isa pang anak na si John Maurie, na anak niya sa dating boyfriend na si JP Obligacion.
SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NINA AUBREY MILES AT TROY MONTERO SA GALLERY NA ITO: