
Puno ng inspirasyon ang bagong seryeng handog ng GMA ngayong taon sa Forever Young na pagbibidahan ng award-winning child actor na si Euwenn Mikaell.
Matapos niyang pahangain ang lahat sa kanyang natatanging pagganap bilang Tonton sa fantasy film na Firefly kung saan itinanghal siyang Best Child Performer ng 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal, muli siyang magbibigay inspirasyon sa pinakabagong afternoon series na Forever Young.
Tampok dito ang pambihirang kuwento ni Rambo (Euwenn), 25-year-old na na-trap sa katawan ng isang 10-year-old dahil sa rare medical condition na panhypopituitarism kung saan naapektuhan ang paglaki nito.
Maliit man pero may malaking misyon para sa kanyang pamilya at sa maraming tao. Kung paano niya mapagtatagumpayan ang mga pagsubok na dala na rin ng kanyang kaibahan, ang paniguradong bibihag sa puso ng manonood.
Makakasama ni Euwenn sa kanyang kauna-unahang TV lead role sina Michael De Mesa, Eula Valdes, Rafael Rosell, Alfred Vargas, Nadine Samonte, Althea Ablan, Princess Aliyah, Bryce Eusebio, Lucho Ayala, at Anjo Damiles.
Ang Forever Young ay sasailalim sa direksyon nina Gil Tejada Jr. at Rechie Del Carmen.
Samahan si Rambo sa pagdiskubre ng kanyang pinakamalaking misyon sa buhay sa Forever Young, soon sa GMA Afternoon Prime.