
Kuwento ng pamilyang susubukin ng kababalaghan at kontrobersya ang tampok sa “Bisita” episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado.
Sina Althea Ablan, Angelu de Leon, at Emilio Garcia sa “Bisita” episode / Source: Wish Ko Lang
Kabilang sa naturang episode ang Prima Donnas stars na sina Althea Ablan at Eliah Alejo, pati ang mga Kapuso actresses na sina Angelu de Leon at Arny Ross, at ang award-winning actor na si Emilio Garcia.
Si Elijah Alejo sa “Bisita” episode ng bagong Wish Ko Lang / Source: Wish Ko Lang
Gaganap bilang mag-asawa sina Angelu at Emilio, habang si Althea naman ang gaganap bilang anak nila, na 'di umano'y may pyrokinesis o ang kakayahang lumikha ng apoy gamit ang isip.
Ito ang unang pagsubok na mararanasan ng kanilang pamilya sa “Bisita” episode ng bagong Wish Ko Lang.
Totoo kayang may pyrokinesis ang batang si Emma? / Source: Wish Ko Lang
Bukod kasi sa hindi nila maipaliwanag kung paano ito nagagawa ng kanilang anak na si Emma at kung saan nga ba nagmula ang kakaiba niyang kakayahang ito, tila puro perwisyo pa ang hatid nito sa mga tao sa kanilang paligid.
Sa tuwing babanggitin kasi ni Emma na may sunog o apoy, tila nagkakatotoo ito.
Siya tuloy ang nasisi ng mga nakararanas nito at tingin nila sa kanya ay isang salot at kampon ni Satanas.
Isa sa mga sunog na malilikha ng batang si Emma / Source: Wish Ko Lang
Lalo pang magiging kumplikado ang mga bagay dahil bigla namang susulpot ang karakter nina Arny Ross at Elijah Alejo.
Si Arny ay gaganap bilang dating karelasyon ni Emilio at si Elijah ang diumano'y naging bunga ng kanilang pagmamahalan noon.
Sina Elijah Alejo at Arny Ross sa “Bisita” episode ng bagong Wish Ko Lang / Source: Wish Ko Lang
Magugulo ang isip ng karakter ni Emilio at makikiusap siya sa asawa na payagan munang tumira kasama nila ang kanyang dating karelasyon at ang sinasabing anak nila.
Walang magagawa ang karakter ni Angelu at mapipilitan siyang pumayag na sa iisang bubong sila tumirang lahat.
Maitago kaya ng mga magulang ni Emma ang kanyang lihim? / Source: Wish Ko Lang
Sa una ay mangangamba lamang siya na baka malaman ng mag-ina ang lihim ni Emma.
Ngunit kinalaunan ay may iba pa palang problema ang darating sa kanilang buhay: aakitin si mister ng dati niyang karelasyon!
Ang aktres na si Angelu de Leon, nagbigay ng kanyang opinyon at pananaw tungkol sa usapin ng kababalaghan at sa kontrobersyal na pagsasama sa iisang bubong ng isang misis at dating karelasyon ng kanyang mister.
Ayon sa dating T.G.I.S. star, naniniwala siya sa milagro at sa iba pang mga bagay na hindi maipaliwanag ng siyensya.
Ani Angelu, “Naniniwala ako sa supernatural, pero wala pa akong nakikitang pyrokinesis. But for me, miracles are supernatural and marami na akong nakitang miracles and even I experienced it na rin. “
Dagdag pa ni Angelu, dapat maging responsable rin ang mga taong may supernatural abilities.
“Siguro for me ang importanteng tanong ay sino ang source ng abilidad na meron ka. Because the ability you have should help others for their good, and the glory of what you can do should not be self-serving. The glory of what you can do should always be given to the source.”
At pagdating naman sa isyu ng pagtira sa iisang bubong ng misis at dating karelasyon ng kanyang mister, sinabi ni Angelu na hindi raw niya hahayaang mangyari ito sa kanya sa totoong buhay.
“Hindi ako papayag na sa iisang bubong kami titira nung ex at anak ng mister ko. It will bring confusion and conflict not just sa aming mag-asawa, kung hindi sa buong pamilya, lalung-lalo na sa mga anak.
“Kaya kong tanggapin na nagkaanak sila ng asawa ko, pero naniniwala ako na kayang suportahan ng asawa ko ang anak niya ng hindi sila titira sa bahay namin.”
Alamin kung paano malalampasan ng pamliya ni Emma kababalaghan at kontrobersya na susubok sa kanila sa “Bisista” episode ng bagong Wish Ko Lang, ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Vicky Morales grateful for warm reception to all-new 'Wish Ko Lang' episodes