
Sa Tadhana: Akin ang Lahat, matinding pagsubok ang kinaharap ni Raquel (Katrina Halili) matapos niyang matuklasang may ibang babae na ang asawang matagal niyang sinuportahan.
Bilang isang domestic helper sa UAE, tiniis ni Raquel ang hirap at pagod sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang makapag-ipon at makapagtayo ng maliit na puwesto sa palengke. Ngunit sa kabila ng lahat ng kanyang sakripisyo para sa kanilang pamilya, isang masakit na katotohanan ang naghihintay sa kanyang pag-uwi—may ibang babae na pala ang kanyang mister, si Nancy (Sheree Bautista).
Mas masakit pa para kay Raquel, tila napalayo rin sa kanya ang sarili niyang anak. Sa halip na masilayan ang bunga ng kanyang mga sakripisyo, kinailangan niyang harapin ang pagtataksil at pagkawala ng mga bagay na pinaghirapan niyang makamit.
Hindi naman hinayaan ni Raquel na tuluyang mawasak ng mga pagsubok. Matapang niyang ipinaglaban ang kanyang mga karapatan at sinikap na mabawi ang mga nawala sa kanya.
Magagawa kaya ni Raquel na maibalik ang kanyang buhay at pamilya? At sa kabila ng lahat ng sakit na dinulot sa kanya ng kanyang asawa, kaya pa kaya niyang magpatawad?
Panoorin ang buong kuwento ni Raquel sa full episode ng Tadhana: Akin ang Lahat at patuloy na panoorin ang Tadhana, tuwing Sabado, 3:15 PM sa GMA-7 at sa GMA Public Affairs' Facebook and YouTube livestream.