
Isang pelikulang magpapakita ng isang espesyal na bahagi ng kulturang Pilipino ang mapapanood ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.
Pagbibidahan ni Kapuso actor Rocco Nacino ang independent film na Balut Country. Gaganap siya rito bilang Jun, isang lalaking magmamana ng patuhan ng kaniyang ama.
Gustong ibenta ni Jun ang farm dahil malapit na itong malugi pero nagdadalawang isip din siya dahil ayaw niyang mawalan ng hanap-buhay ang mga trabahador ng kaniyang ama na matagal nang nagsisilbi rito.
Ano ang magiging desisyon ni Jun? Abangan 'yan sa Balut Country, September 28, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Magbalik-tanaw naman sa iyong first love kasama ang Just One Summer na pinagbidahan ni Julie Anne San Jose at Elmo Magalona.
Si Elmo ay si Daniel, isang binatang mapipilitang sumama sa farm ng kanyang estranged father. Lalong walang gana si Daniel na magpalipas ng kanyang summer vacation sa farm dahil kasama pa nila ang bagong girlfriend ng kanyang ama.
Sa kanyang pag-iwas sa kanyang ama at girlfriend nito, makikilala niya si Beto, ang karakter ni Julie Anne. Galing man sa mahirap na pamilya, matalino at very optimistic si Beto. Siya na ba ang magiging susi sa magandang summer ni Daniel?
Abangan 'yan sa Just One Summer, September 29, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.