
Talaga namang makatotohanan hanggang sa explosive effects ang ilang eksena sa action-drama series na Maging Sino Ka Man.
Sa bagong online exclusive video ng special limited series na inilabas ng GMA Network, makikitang gumamit ng pyrotechnics ang produksyon para sa big scene nina Barbie Forteza at David Licauco kung saan tumakas sila sa isang warehouse na napaliligiran ng masasamang loob.
Ipinalabas ang nasabing eksena noong October 4 kung saan sumabak sa isang mapanganib na misyon si Carding, ginagampanan ni David, at Libag, ginagampanan ni Mikoy Morales. Naging backup ni Carding si Dino, karakter ni Barbie, na tinutulan agad ng huli dahil magnanakaw sila ng mga kontrabando.
Hindi naman naka-hindi si Dino dahil pare-pareho na silang naipit sa panganib nang dumating si Frank, binibigyang-buhay ni ER Ejercito.
Binalikan at inakay ni Dino si Carding palabas ng warehouse dahil may tama ng bala ang huli.
Sa behind-the-scenes video ng nasabing tagpo, mapapanood na sina Barbie at David mismo ang gumawa ng kanilang mga eksena kung saan kinailangan nilang umarte habang sumasabog ang pyrotechnics bilang explosive effect dahil, sa nasabing episode, pinaulanan sila ng bala at bomba ni Frank at ng mga tauhan nito.
Ani Barbie, naramdaman niya ang init dahil sa lakas ng impact ng pagsabog.
Sa dulo, tila nakahinga nang malalim sina Barbie at David matapos nilang matagumpay na nagawa ang eksena sa isang take.
Panoorin ang video sa itaas.
Patuloy na subaybayan ang Maging Sino Ka Man weeknights, 8:00 p.m. sa GMA, I Heart Movies, at Pinoy Hits.
Mapapanood din ang special limited series sa GTV sa ganap na 9:40 ng gabi.
Maaari rin itong mapanood online kasabay ng pag-ere sa TV via Kapuso Stream.
Available naman ang full episodes at episodic highlights ng Maging Sino Ka Man sa GMANetwork.com at sa iba pang GMA-owned and operated online platforms.
SAMANTALA, TINGNAN ANG IBA PANG KILIG MOMENTS NG BARDA SA MAGING SINO KA MAN.