
Nagbigay ng opinyon si BB Gandanghari sa panukala ng nakababatang kapatid niyang si Senator Robin Padilla na ibaba ang edad ng criminal liability sa 10 years old mula sa 15.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 7, ipinahayag ni BB Gandanghari ang kaniyang “hundred percent” na suporta sa panukala ng kapatid.
“Kasi nga unang-una, sa America, ang daming ganiyan. Discussion din 'yan sa America. And then si Robin, pumunta ulit sa mga biktima and then I went with him sa Tacloban. Nagpunta kami sa burol ng mga bata, nakausap namin 'yung mga magulang, 'yung mga nabaril sa ospital, pinuntahan namin lahat 'yun. So I saw the pain, I saw 'yung nagawa ng krimen ng isang 14-year-old na in my mind, parang how can you—it's a crime,” sabi ni BB Gandanghari.
Kamakailan lang ay nagkaroon ng school shooting sa isang eskwelahan sa Tacloban kung saan dalawang estudyanteng edad 14 at 15 ang namaril ng kanilang mga kaklase. Ilan sa mga estudyante ang pumanaw sa pamamaril na ito, habang ang ilan naman ay sugatan.
Pagbabahagi ni King of Talk Boy Abunda, ikinagulat niya na ang mga batang 15 years old and above pero below 18 ay exempt pa rin sa criminal liability. At kapag mayroon nang discernment, doon lang bibigyan ng criminal case.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAKARANAS NG BULLYING NOON SA GALLERY NA ITO:
Ngunit ayon kay BB Gandanghari, ang batas na iyon ay isinulat noong panahon na wala pang internet at social media kung saan maraming napupulot ang mga kabataan.
“Can you imagine this particular case, 'yung 14-year-old, marunong kumasa at intentional, base du'n sa pakikipag-usap namin sa principal at nakausap din namin si mayor ng Tacloban, si Mayor [Alfred] Romualdez, hindi random. Intentional ang mga binaril niya,” sabi ni BB Gandanghari.
Sa palagay ng dating aktor, planado ng mga kabataan ang pamamaril, lalo na at mga kaklase lang niya sa loob ng classroom ang puntirya nito.
Paglilinaw din ni BB Gandanghari, ang edad 10 taon na minumungkahi ni Robin ay hindi para idiin ang mga bata. Sa halip, nakikita niya ito bilang isang deterrent para matakot ang mga kabataan na gumawa ng krimen.
“Para kung ikaw ay 10-year-old to 12 years old o 14 years old, mapapaisip ka. Unang-una, ang isang problema diyan, ini-exploit 'yan ng mga taong matatanda na ginagamit itong mga batang ito kasi alam nilang hindi sila makukulong,” sabi ni BB Gandanghari.