
Mahigit isang taon na ang nakararaan nang opisyal na naging Kapuso ang aktres na si Bea Alonzo matapos niyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network.
Bakas sa mukha ni Bea ang labis na kasiyahan bilang isang Kapuso nang dumating sa inihandang media conference para sa kanya kahapon, October 6, sa isang Korean restaurant sa Quezon City.
Sa naturang event, ibinahagi niya ang kaniyang nararamdaman kasunod ng mainit na pagtanggap ng mga manonood sa kaniyang first-ever drama series na Start-Up PH.
Ayon sa tinaguriang This Generation's Movie Queen, "I'm happy na nagre-resonate siya sa Filipino audience. I'm happy na na-appreciate nila yung efforts namin. And they felt na, at least, 'yung ibang take o twists na ibinigay namin sa karakter, nakita nila in a positive way.”
Bukod dito, masaya ring ikinuwento ni Bea sa harap ng mga miyembro ng entertainment press kung gaano siya ka-komportable ngayon sa kaniyang trabaho bilang isang Kapuso actress.
Pahayag niya, “I must say na feel na feel ko na yung pagiging Kapuso ko ngayon. Nagsa-slide na siya sa tongue ko, sa bibig ko. And I feel, mas komportable na ako ngayon, going in and out of the studio.”
Kasalukuyang napapanood si Bea Alonzo bilang si Danica “Dani” Sison, isang babaeng patuloy na nagiging matatag sa anumang hamon ng buhay.
Si Dani ay apo ni Lola Joy (Gina Alajar), kapatid ni Ina (Yasmien Kurdi), at ang childhood pen pal ni Tristan “Good Boy” (Alden Richards).
Insert link:
Sa kalagitnaan ng event, sinabi rin ni Bea na inihahalintulad niya ang kaniyang buhay ngayon sa buhay na mayroon ang kaniyang karakter sa Start-Up PH.
Ayon kay Bea, “Sabi nga nila, art imitates life. Sobrang totoo for me because nung start ng Start-Up, I'm starting a new chapter in my life sa GMA. 'Yung character ni Dani, nandiyan siya para abutin yung mga pangarap niya. Para patunayan sa sarili niya na kaya niya. Na marami pa siyang pangarap na gustong abutin. And I'm the same way, so dun ako nakaka-relate, yun ang naiiwan sa akin ni Dani, yung fighting spirit niya."
Pahapyaw ng aktres, mayroon daw siyang mga naka-line up na pelikula na siguradong mamahalin ng mga Pinoy.
Mapapanood ang Start-Up PH, mula Lunes hanggang Biyernes 8:50 p.m. sa GMA Telebabad, at sa GTV naman ay ipinapalabas ito tuwing Lunes hanggang Huwebes 11:30 p.m., at tuwing Biyernes naman ay mapapanood ito sa oras na 11: 00 p.m.
Maaari ring subaybayan ang bagong drama series sa GMA PinoyTV.
SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES NG START-UP PH SA GALLERY SA IBABA: