
Inamin ni Kapuso actress Bea Alonzo na minsan na niyang naisip na hanapin ang amang Briton dahil nainggit siya nang mahanap noon ng kaibigan niyang si Angelica Panganiban ang tunay nitong ama.
Ibinahagi ni Bea kay Jessica Soho na taong 2009 nang mahanap ni Angelica ang tunay na ama na isang Amerikano. Dahil sa pangyayaring ito sumagi sa isip ng aktres na, "Hanapin ko rin kaya 'yung tunay kong ama?"
"Sabi ko parang nakakainggit naman 'yung na-experience ni Angelica. Parang gusto ko rin ng ganun," dagdag pa ni Bea.
Parehong walang kinagisnang ama sina Bea at Angelica kaya noong kinailangan ni Angelica ng kaibigang makakaintindi sa kanya kay Bea siya lumapit.
"Sa akin siya [Angelica] umiiyak kasi parang alam niya maiintindihan ko [siya]. Because pareho kami ng background ba," kuwento ni Bea sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Dahil sa kagustuhan na mahanap din ang tunay na ama, gumawa si Bea ng paraan para makakuha ng impormasyon na magagamit niya sa paghahanap.
Pasko ng 2009 nang tangkain ni Bea na kumuha ng impormasyon mula sa ina tungkol sa ama.
"Kaya lang 'yung reaksiyon na ibinigay niya sa akin that was my deciding factor na 'wag na lang. That my life is complete," pagbabahagi ni Bea.
Kahit na lumaking hindi nakagisnan ang tunay na ama, hindi naramdaman ni Bea na may kulang sa kanyang buhay dahil sa labis na pagmamahal ng ina na nagsilbing ama at ina sa kanya. Kaya naman nang tanungin ni Jessica si Bea kung nais pa niyang hanapin ang ama.
"Naku! 'Wag na po natin hanapin ang tatay ko kawawa naman 'yung nanay ko," natatawang sagot ni Bea.
Sa ngayon, masaya si Bea para sa ina at step dad niya na parating nariyan para sa kanya.
Panoorin ang buong interview ni Bea Alonzo sa Kapuso Mo, Jessica Soho sa ibaba:
Samantala, tingnan ang mga eksena sa naganap na contract signing ni Bea sa Kapuso Network: