
Kinumpira ng veteran showbiz columnist at talent manager na si Aster Amoyo ang pagpanaw ng beteranong aktor na si John Regala.
Ayon sa kanyang post sa Facebook ngayong araw, June 3, pumanaw ang aktor sa edad na 55.
"Veteran actor John Regala (John Paul Guido Boucher Scherrer)-55[years old] died this morning at 6:00 am due to multiple ailments. Let us all pray for the eternal repose of his soul. (May 28, 1965-June 3, 2023)," sulat niya sa post.
Noong taong 2017, nag-viral si John matapos makunan ng litrato na nawalan ng malay sa harap ng isang supermarket.
Nilinaw naman ng aktor na hindi siya na-stroke o inatake sa puso noong oras na iyon. Sa halip, duda niyang bumaba ang kanyang blood sugar dahil sa kanyang diabetes. Kinumpira din niyang mayroon siyang arthritis, gout, at sakit sa puso.
Muling nag-viral si John Regala noong 2020 nang nang makunan siya ng litrato na tila napakalaki ng ibinawas na timbang.
Ipinaliwanag naman niyang may hinihintay siyang nurse na magbibigay sa kanya ng gamot nang makunan siya ng litrato. Fifteen days na raw kasi siyang nagsusuka dahil sa kanyang liver cirrhosis at nagkaroon pa ng problema sa pera at sa kanyang pamilya.
Magkakasama namang nag-fundraising ang mga kaibigan ni John sa showbiz na sina Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfus at si Amoyo para sa pagpapagamot ng aktor.
Na-confine sa ospital si John dahil sa mga kumplikasyon ng kanyang liver cirrhosis pero nakalabas din matapos ang isang linggo.
Sa kasamaang palad, matapos ang ilang buwan ng pagtulong, tinapos nina Dreyfus, Montenegro at Amoyo ang fundraising nila para kay John dahil inilarawan nila ito bilang "very uncooperative and difficult individual."
Ibinigay nila sa aktor ang lahat ng nalikom na pondo para sa pagpapagamot nito pero tinuldukan na nila ang iba pang paraan ng pagtulong dito.
Nagsimula si John Regala sa showbiz sa variety show na That's Entertainment at mas sumikat bilang isang action star at kontrabida.
BALIKAN ANG MGA CELEBRITIES NA PUMANAW NOONG NAKARAANG TAON: