
Isang mabigat at emosyonal na desisyon ang hinarap ni Deia kamakailan sa GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa gitna ng kanilang laban sa kadiliman, pinili ni Deia (Angel Guardian) na wakasan na ang buhay ng kanyang ina na si Olgana (Bianca Manalo) para sa kaligtasan ng lahat.
Bagama't wasak ang puso, buong tapang pa ring hinarap ni Deia ang kanyang tungkulin bilang tagapangalaga ng Brilyante ng Hangin.
Ang naturang eksena ay kaagad na umani ng papuri mula sa fans, na labis na naantig sa sakripisyong ginawa ng batang Sang'gre.
Kasabay ng madamdaming eksena, nag-abot din ng pagpupugay si Bianca Manalo para sa kanyang karakter.
Sa isang social media post, ibinahagi ng aktres ang mga larawan ni Olgana at mga sandata nito bilang pagpugay sa nasawing Mine-a-ve.
"Avisala, Encantadia 🫡 Olgana, signing off. ❄️⚔️🔥 " ani Bianca sa caption.
Maraming netizens ang nagpaabot ng pasasalamat at papuri sa aktres para sa mahusay niyang pagganap bilang kontrabida.
"Well done po, Ate Bianca! 🤗🤍," komento ng isang fan.
"Maraming salamat sa mgaling na paganap n Olgana,🙌🙌🔥" dagdag pa ng isa.
Samantala, nagpaalam din si Angel Guardian sa karakter ni Olgana sa isang reshared post ng kanilang emosyonal na eksena.
"Paalam, Ada," maikli ngunit makahulugang caption ng aktres.
Ramdam din ng viewers ang bigat ng pinagdadaanan ni Deia, kaya't marami ang nag-abot ng kanilang pakikiramay sa comment section.
"Ang sakit ng puso ko para kay Deia 🥺💔😞," komento ng netizen.
"Mas yun ang nakakabuti mahal na sanggre deia. Grabe alam kong masakit sayu mawala ni olgana pero pinili mo parin ang kabutihan," mensahe naman ng isa pang tagahanga.
Subaybayan kung ano ang mangyayari kay Deia at sa ibang mga Sang'gre sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:05 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Balikan ang emosyonal na eksena nina Deia at Olgana, dito: