
Proud sina billiards champions Johann Chua at Geona Gregorio na nakasama sa pagbuo ng kauna-unahang sports drama series ng GMA, ang Bolera.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ikinuwento nina Johann at Geona na sobrang nag-enjoy silang makatrabaho ang cast at crew ng Bolera. Ang dalawang billiards champions ang nagsilbing game designers at coaches ng cast.
"Sobrang saya, unexpected," sabi ni Johann. "Noong una parang natatakot kami, nahihiya kami na magkamali. Pero ayun nga lagi naming sinasabi sobrang saya namin na napunta kami sa mga mababait na crew and talagang tinanggap kami ng lahat para sa project na [ito]. Mas na-less 'yung pressure namin, mas in-enjoy na lang namin."
Dagdag naman ni coach Geona, "Sobrang down to earth nila. Sobrang saya nilang kasama."
Ayon kina Johann at Geona, "malungkot na masaya" ang kanilang nararamdaman sa nalalapit na pagtatapos ng Bolera. Anila, mami-miss nila ang lahat na naging pamilya na rin sa kanila.
"Lahat po, lalo na 'yung mga crew kasi napalapit na kami sa kanila. Sa mga actors po, sa mga directors, talagang lahat na. Parang naging family na kami for almost three months. 'Yun 'yung mga nami-miss namin hanggang ngayon. Niloloko nga namin sina direk na kailan ba 'yung sunod na project namin," sabi ni Johann.
Memorable naman para kay coach Geona ang paggawa ng games at ang late night pack ups sa set. Aniya, "Kasi every shot, ginagawa talaga namin na tugma siya sa kuwento. Ginagawan namin siya ng dahilan kung bakit sasablay siya rito.
"Saka medyo nare-realize namin sobrang hirap pala maging artista, hindi pala ganoon kadali. Na-appreciate namin 'yung craft nila at saka ng production team kasi hindi talaga biro."
Excited na rin silang panoorin ang huling tatlong linggo ng Bolera dahil anila ay marami pang "malungkot at masayang" mangyayari sa kuwento nito.
Abangan ang Bolera, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
KILALANIN ANG CAST NG BOLERA RITO: