
Hindi naging hadlang ang kawalan nang maayos ng sapatos para masungkit ng Senior High student na si Lorenz Bello Datiles ang 15 Gold medals sa track and field.
Nitong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ikinuwento ng 17-year-old athelete ang tungkol sa kaniyang tagpi-tagping spike shoes.
“Tinatahi rin kasi 'pag nasira. Bumibili kami ng pandikit, mag-aambag-ambagan. 'Yung rubber shoes kasi, madulas. 'Tapos 'yung spike shoes, mas makapit,” sabi niya.
Ayon pa sa kaniya, ibinigay lang sa kanila ang spike shoes na gamit nila dahil malaki ang advantage umano kapag gumagamit nito.
Ayon kay Lorenz, ang branded na spike shoes ay nagkakahalagang PhP10,000 - PhP20,000, habang ang medyo ok naman na brand ay nagkakahalaga naman ng PhP500 - PhP800, ngunit bihira lang sila makakita nito.
Pangarap umano ni Lorenz ang maging isang piloto. Ngunit dahil nasa kolehiyo na ang dalawang nakatatandang kapatid at kapos ang kanilang pamilya, hirap ang kaniyang mga magulang na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral
Kaya naman, nagdesisyon si Lorenz na sumali sa track and field para maging isang student athlete at makakuha ng scholarship.
“Nakita ko 'yung mga senior ko, nag-graduate, nakakuha ng scholarship kaya triny ko, baka makakuha rin ako, para pagka-graduate ko ng senior high, hindi na mahirapan ang parents ko,” aniya.
Para matupad ito, kinailangan niyang magkampeon sa Palarong Pambansa ngayong July 2024. Para mag-qualify, kailangan niya munang maipanalo ang Davao Regional Athletic Association Meet 2024.
Aminado naman si Lorenz na madalas ay nag-o-overthink siya bago ang kompetisyon.
Aniya, “Palaging nag-o-overthink, 'Manalo ba ako du'n o matalo?' Kasi nakasalalay ' yung [scholarship] ko du'n.”
Ngunit ang panalong inaasam, hindi lang para sa kaniya ngunit para na rin sa mga magulang niyang sina Lorenzo at Sylvia Porras Datiles.
“Kailangan kong manalo para maiahon sa kahirapan atsaka sa pinansyal. Kasi 'pag nanalo rin kami, makakuha rin kami ng incentives kaya 'yung 'yung ginagamit ko pangbili ng mga gamit para 'di gaano ka-ano sila mama sa akin,” sabi niya.
ALAMIN ANG SPORTS NG IBA'T IBANG CELEBRITIES SA GALLERY NA ITO:
Dagdag umano ang pagiging captain niya ng kanilang team sa pressure na nararamdaman ni Lorenz. Para kasi sa kanya, kailangan niyang maipanalo ang meet para tumulad sa kaniya ang kaniyang teammates.
Samantala, aminado naman ang Coach nila na si Beverly Villarino na hindi magiging madali ang laban. Ngunit nag-iwan rin ito ng kaunting words of wisdom para sa kaniyang mga atleta, “Sabi ko nga sa kanila, walang magic sa buhay. Lahat ng winning moments, pinaghihirapan.”
Kaya sa naganap na DAVRAA Meet 2024 nitong April kung saan lumahok si Lorenz sa limang events, sinigurado ng batang atleta na maipanalo niya ito lahat, dahilan para mag-qualify siya sa nalalapit na Palarong Pambansa.
“Ngayon, nakakuha na ako ng 10 Golds, sobrang saya ko, naiyak nga ako, e, hindi ako makapaniwala,” sabi niya.
Bukod pa sa pagkapanalo nila sa DAVRAA 2024, ang grupo rin nila Lorenz ang nag kampeonato sa buong Region 11.
Samantala, aminado naman ang president ng Exercise and Sports Science Association, PUP Sta. Mesa, na si Angelo Castro, kahit malaki ang potensyal ng mga batang atleta ay kulang ang suportang natatanggap nila.
“Nakakalungkot lang isipin na 'pag nananalo 'yung mga atleta natin, tuwang-tuwa tayo, pero hindi natin nakikita madalas kung ano 'yung mga pinagdadaanan nila sa likod ng mga panalo na ' yun,” sabi niya.
Hiling ni Angelo, “Sana mapansin din ng gobyerno na 'yung mga athletes natin, hindi lang naman sarili nila ' yung dala-dala nila kundi ' yung bandila at inang bayan natin.”
Para naman sa sports director ng Province of Davao del Norte na si Giovanni Gulanes, kahit kulang ay may nabibigay pa rin na suporta ang Department of Education o DepEd, at local government units sa mga batang atleta.
Ayon sa kaniya ay sinagot pa ng probinsya ang ilang mga kagamitan ng mga atleta, bukod pa sa magandang sports complex kung saan sila nakakapag-train.
May munting regalo naman ang guro ni Lorenz na si Maria Clair Mahilum sa kaniya, ang unang nakapansin ng potensyal niya sa track and field. Isang bagong sapatos na magagamit niya sa training at mga competition.
Isang grupo rin ang nagpahatid ng tulong pinansyal at mga sapatos para sa mga kagrupo ng batang atleta.
Bukod sa kanila, may sorpresa rin si Coach Beverly at iba pa nilang mga coach kay Lorenz. Iniabot nila ang certificate sa binata kung saan nakasaad na makakasama siya ng Philippine team na lalaban sa 13th ASEAN School Games sa Vietnam.
Sa huli ay nag-wan ng menahe si Coach Beverly para kay Lorenz, “Ipagpatuloy niya lang ' yung pangarap because I believe in the power of the dream. Kasi hindi mo magagawa 'yung isang bagay 'pag wala kang goal, wala kang pangarap.”
Sa ngayon, patuloy lang ang batang atleta sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap, “Malayo pa pero malayo na ako sa dating ako. Madami pang kakaining bigas. Soon, ako na din ' yung makapunta du'n sa Olympics. Baka palarin.”
Panoorin ang buong segment dito: