
Nasaksihan natin noong Sabado (November 13) ang kuwento ng pamilya nina Marites, Arjay, at Malia sa "Biyenan" episode ng bagong Wish Ko Lang. Ang kuwentong ito ay binigyang buhay nina Carmi Martin, Paul Salas, at Arra San Agustin.
Labis ang pagmamahal ni Maila (Arra San Agustin) para kay Arjay (Paul Salas), kaya naman kahit na hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ng biyenang si Marites (Carmi Martin) ay tinitiis niya ito.
Dahil sa pansamantalang naninirahan sa kanyang biyenan, ginagawa ni Maila ang lahat para pakisamahan ito nang maayos. Pero nagiging madalas ang hindi pagkakaunawaan nina Maila at Marites, hanggang sa puntong nagkakasakitan na silang dalawa.
Mas lalong lumaki ang hidwaan ng dalawa nang inakala ni Marites na ipinakulam siya ni Maila dahil sa biglaang pangangati, pagbabalat, at pagkakaliskis ng buo niyang katawan.
Para malaman kung ano talaga ang sakit ni Marites, agad itong ipinakonsulta ng bagong Wish Ko Lang sa mga eksperto.
Base sa isinagawang eksaminasyon, lumalabas na mayroong sakit na 'Psoriasis' si Marites. Ito ay isang uri ng autoimmune condition na nagdudulot ng systematic inflammation o pamamaga sa loob ng katawan.
Si Marites, ang biyenan na tinulungan ng bagong Wish Ko Lang.
Nabigyang-linaw na rin na hindi kulam ang sanhi ng sakit ni Marites. Sa ngayon, magkasundo na sina Marites at Maila at magkasama na ulit sila sa iisang bubong.
At para tuluyang makabangon mula sa sakit, pinagkalooban si Marites ng bagong Wish Ko Lang at ng Fairy Godmother na si Vicky Morales ng medical assistance. Sinagot na rin ng programa ang laboratory tests at ang medical supplies nito.
Binigyan naman ng bagong Wish Ko Lang ng mini restaurant business ang mag-asawang Maila at Arjay, kung saan mayroon itong all-day breakfast meals, pang-merienda, at refreshments.
Kasama sa negosyo package ang pastry business, coffee business, at ang libreng vocational course ng mag-asawa. Bukod sa mga nabanggit, mayroon ding regalong brand new smartphone sina Maila at Arjay.
Ilan sa mga regalong natanggap nina Marites, Maila at Arjay.
Para makabawas sa gastusin ng pamilya, sinagot na rin ng bagong Wish Ko Lang ang isang taon nilang electric bill. Binigyan din ng tulong pinansyal at staycation package ang buong pamilya.
Abangan kung sino at paano mabibigyan ng magandang bagong simula ng programa ang susunod na tampok sa "Apoy" episode ngayong Sabado, November 20, sa bagong Wish Ko Lang, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.