
Ibinahagi ng Kapuso comedian-actor na si Boobay, o Norman Balbuena sa totoong buhay, sa Fast Talk with Boy Abunda ang nararanasan niyang ngayong health condition kaugnay ng kaniyang pagkaka-stroke noong 2016.
Sa kalagitnaan ng pag-uusap nina Boobay at ng TV host na si Boy Abunda sa unang bahagi ng episode ng programa ngayong Huwebes, bigla na lamang nahinto sa pagsasalita si Boobay kung kaya't kinailangan munang magkaroon ng commercial break.
Sa pagbabalik ng programa, masigla naman na muling humarap si Boobay sa interview kasama si Boy dahil mabilis din siyang naka-recover sa tulong ng mga health personnel na nakaantabay sa studio.
Dito na ibinahagi ni Boobay na inatake na rin siya ng anxiety habang nasa taping ng kanilang programa na The Boobay and Tekla Show nitong Miyerkules, April 19, dahil sa kawalan ng pahinga.
Kuwento niya, “Kahapon nagte-taping kami, bigla akong medyo nag-hang sa aming shoot sa The Boobay and Tekla Show siguro dahil sa ilaw din at the same time siguro konti pa ang tulog ko no'n, na maling-mali sa ginawa ko--na dapat talaga bago ka pumunta sa isang trabaho hindi ka muna kukuha ng ibang trabaho pa.”
Matatandaan na inatake ng stroke noong November 2016 si Boobay at pansamantala siyang lumiban sa kaniyang mga programa.
Ayon kay Boobay, inabisuhan na siya ng doktor noon na maari siyang makaranas na mag-”hang” na dulot ng kaniyang pagkaka-stroke.
Aniya, “Sinabi naman ng doktor ko na after ng nangyari sa akin noon ay maaring mag-hang ako and the best thing that you have to do is parang mag-stop ka lang and hayaan mong bumalik sa dati 'yung mga pag-ikot [ng sistema] mo.”
Para kay Boobay, pahinga niya ang pagpapasaya ng mga tao kaya sunod-sunod ang kaniyang ginagawang pagtanggap ng trabaho.
“Sabi kasi magpahinga ako palagi pero for me 'yun 'yung pagkakataon ko, kaya ako tumatanggap ng mga trabaho parang 'yun pa rin 'yung the best way ko para makapagpahinga, 'yun 'yung way ko ng pahinga, magperform sa comedy bars, sa gigs,” anang aktor.
“But you have to take good care of yourself,” paalala naman ni Boy kay Boobay.
Samantala, mapapanood si Boobay sa The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:40 p.m., sa GMA, GTV, at Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA, NARITO ANG IBA PANG CELEBRITIES NA NAKARANAS NG STROKE: