
Nagbigay ng health update ang Kapuso comedian si Boobay, na nagsabing makakabalik na siya sa trabaho niya bilang host ng The Boobay and Tekla Show.
Sa interview ng talent manager na si Ogie Diaz, na ipinalabas sa vlog niya kamakailan, masayang ibinalita ni Boobay, "Ilang linggo na lang ay babalik na po ako dahil binigyan na ako ng go-signal ng [neurosurgeon ko] na makakabalik na sa work.
“Kasi 'yun naman talaga ang request nila, pag may letter, may clearance na, go na ulit kasi five years na ang The Boobay and Tekla Show."
Inamin ni Boobay na nagulat siya nang sabihang magpahinga muna sa pagho-host ng naturang weekly comedy talk show.
“Pero along the way, na-realize ko it's for my own good. Para rin naman talaga sa kalusugan ko 'yun at para rin naman sa security ko kasi baka mangyari ulit. Iniiwasan lang din siguro ng ating mga boss, 'yung buong production, na mangyari ulit 'yung hindi inaasahan,” sabi nito.
Bago ito, nasaksihan ng publiko ang health condition ni Boobay noong Abril, habang nasa kalagitnaan sila ng interview ng Fast Talk with Boy Abunda. Dito, ay biglang huminto ang komedyante sa pagsasalita at tila hindi makausap kaya kinailangang mag-commercial break.
Ang nararanasan ni Boobay ay absence seizure, o pagtigil at pagkatulala ng ilang segundo. Ilang netizens din ang nag-alala at nagbigay ng mga mensahe ng suporta.
Samantala, ang kaibigan at Kapuso Primetime Queen naman na si Marian Rivera ay naglaan ng araw para makasama at makausap si Boobay bilang suporta sa kanya.
yon sa komedyante, ilan sa mga dahilan ng absence seizure niya ay tuwing wala siyang tulog at tuloy-tuloy na trabaho.
Pero sinabi rin niyang hindi na ganun ang ginagawa niya ngayon at nagbawas na siya ng trabaho, lalo na sa comedy bars.
“Hindi na 'ko gaya ng dati na every night may work, every night tumatanggap ako ng set. Ano na lang siya, Tuesday, Thursday and Saturday. Nagbawas talaga ako,” sabi nito.
Dagdag pa niya, “Mas maaga na kami natatapos ngayon. Tsaka hindi masyadong babad, salit-salitan kami on stage, 'tapos understanding naman 'yung mga kasamahan ko sa comedy bar.”
Ayon kay Boobay, kahit nagpahinga siya sa The Boobay and Tekla Show ay hindi niya ito magagawa sa pag stand-up comedy dahil pakiramdam niya, “Hindi ko din matatanggal sa sistema ko."
Sabi pa niya, “Parang nasa sistema ko na siya na hindi ako mapakali pag hindi ako nag pe-perform. At the same time, pag nandun lang din ako sa condo, parang mabobore lang din ako. Sabi ko 'dito ko na lang kukunin 'yung mag destress ba, sa pagpeperform,” sabi nito.
Panoorin ang kabuuan ng panayan ni Ogie kay Boobay rito:
SAMANTALA, TINGNAN ANG ILAN PANG CELEBRITIES NA MAYROONG DING UNUSUAL NA MGA SAKIT: