
Isang matinding sikreto ang nalaman ni Dara (Vina Morales) na babago sa kaniyang pakikitungo kay Jeni (Zephanie) at sa mga kaibigan niya sa Rosabellas na sina Minchie (Manilyn Reynes) at Charice (Tina Paner) sa Born to Shine.
Matatandaan na kamakailan lang ay nadulas ang dating kabanda nila na si George (Don Umali) kay Charice na may iniwang anak si Dio (Rayver Cruz) kay Minchie. Dahil dito, kinumpronta ni Charice si Minchie at tinanong ang totoong pagkatao ni Jeni, ngunit hindi ito nabigyan ng pagkakataon na sumagot dahil sa pagdating ni Dara.
Sa legacy concert ni Dara, sa control room, kinumpronta naman ni Perry (Smokey Manaloto) si George para tanungin kung sino pa ba ang nakakaalam tungkol sa sikretong iyon. Ayon kasi sa kaniya, ang tangi lang na nakakaalam ng totoong pagkatao ni Jeni ay sila ni Minchie at si George.
Dito ay inamin ni George na maaaring nadulas siya kay Charice, ngunit sinabing hindi naman niya tinuloy. Pero ayon kay Perry, napagtanto pa rin ni Charice na anak nga ni Dio si Jeni at kinumpirma sa kanila.
Sinigurado naman ni George sa kaibigan na bukod kay Charice ay wala nang iba pang nakakaalam, bagay na nilinaw ni Perry sa kaniya bago sila umalis.
Ngunit ang hindi alam ng dalawa, narinig lahat ni Dara ang pag-uusap nila sa kaniyang in-ear monitor. Gulat man at emotionally shaken, ipinagpatuloy ni Dara ang concert, ngunit kitang-kita ang pagbabago sa pakikitungo niya kay Jeni at kalaunan, kina Charice at Minchie.
Ngayong alam na ni Dara ang totoong pagkatao ni Jeni na itinago sa kaniya nina Minchie at Perry, paano kaya nito maaapektuhan ang relasyon niya sa young singer at sa mga kaibigan niya sa Rosabellas?
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.
SAMANTALA, BALIKAN ANG BEHIN THE SCENES SA NAGANAP NA MEDIA CON NG BORN TO SHINE SA GALLERY NA ITO: