
Nahuli na ni Amelia (Tessie Tomas) si Dara (Vina Morales) bilang ang pasimuno ng kaguluhan sa naganap na fan meet ng Yumi sa Born to Shine.
Matatandaan na nalaman na ni Dara ang tunay na katauhan ni Jeni (Zephanie) bilang anak diumano ni Dio (Rayver Cruz). Dahil dito, pakiramdam niya ay pinagkaisahan siya ng dalaga, at ng ina nitong si Minchie (Manilyn Reynes).
Dahil dito, tinawagan ni Dara ang isa sa mga diehard fans niya at nagpatulong na guluhin ang naturang fan meet. Dahil dito, nag-away-away ang fans. Sinubukan naman ni Perry (Smokey Manaloto) na pigilan ang fans at protektahan ang anak, dahilan para matulak at mahulog siya mula sa stage.
Dahil dito, naospital si Perry at umabot ng ilang araw bago muling magising. At sa pagdilat ni Perry, nalaman nina Jeni at Minchie na may problema ito sa pandinig.
BALIKAN ANG MALA-CONCERT NA MEDIA CON NG BORN TO SHINE SA GALLERY NA ITO:
Samantala, tila nagi-guilty naman si Dara sa nangyari kay Perry, lalo na nang malamang naospital ito, at ilang araw hindi nagising. At dahil patuloy na ang pag-iimbestiga ng mga pulis sa nangyari sa fan meet, kabilang na ang kay Perry, tinawagan ni Dara ang kaniyang fan at sinabihan na mag-lie low.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, narinig ni Amelia ang usapan nina Dara at ng kaniyang fan, kaya kinompronta niya ang una. Para kay Amelia, mali ang ginawa ni Dara lalo na at nadamay si Perry gayong ang dapat umanong pinupuntirya nito ay si Minchie.
Pinaintindi rin ni Amelia ang negatibong epekto nito sa anak niyang si Megan (Olive May); kung papaanong napunta ang simpatya ng fans kay Jeni habang ang kaniyang apo ay “inaagawan ng kinang.”
Bilang isang “kaibigan,” kinumusta naman ni Dara si Perry kay Minchie at sinabing handa siyang tumulong dito. Dito, nalaman na ni Dara ang totoong kalagayan ni Perry; na may problema na ito sa pandinig, dahilan para lalo siyang ma-guilty.
Samantala, patuloy naman si Jeni na nagpapakatatag para sa kaniyang pangarap, sa Yumi, at sa kaniyang pamilya.
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream. Mapapanood din ito via GMA Play sa mga mobile device.