
Lumabas na ang katotohanan sa tunay na pagkatao ni Jeni (Zephanie) sa Born to Shine! Kaya naman si Dara (Vina Morales), matinding galit ang ipinaparamdam sa dalaga, at sa nanay nito at kaibigan niya noon na si Minchie (Manilyn Reynes).
Matatandaan sa episode noong Biyernes, June 5, aksidenteng narinig ni Dara si Perry (Smokey Manaloto) nang sabihin nitong anak ni Dio (Rayver Cruz) si Jeni. Dahil dito, gumawa ng paraan si Dara para makuha ang DNA ng dalaga at ipa-test sa DNA ni Dio.
Nang matanggap ang resulta, nalaman niyang may 99.99 na porsyento na anak nga ni Dio si Jeni. Dahil dito, pakiramdam ni Dara ay niloko siya ni Minchie, dahilan para magtanim siya ng galit sa dating kaibigan at kay Jeni.
Sa katunayan, maging ang kanyang anak na si Megan (Olive May), sinabihan niyang huwag pagkatiwalaan sina Jeni at Minchie sa takot na makuha nito ang iniisip niyang para dapat sa anak.
MULING KILALANIN ANG MGA BIDA NG 'BORN TO SHINE' SA GALLERY NA ITO:
Sa mga sumunod na episode, ipinaramdam ni Dara kay Jeni ang kanyang galit sa iba't ibang paraan: masasakit na salitang nagbabalatkayong pagtuturo, hindi pamamansin, pag-iwas, at higit sa lahat, pagsasantabi sa kanya sa YUMI para mabigyan ng spotlight si Megan.
Umabot pa nga sa natulak niya si Jeni, dahilan para masaktan ang kamay nito.
May mga ibinabatong masasakit na salita at pagpaparinig si Dara kay Minchie, lalo na noong nagkita-kita ang Rosabellas sa restaurant ni Charice (Tina Paner). Dito, nagpahaging si Dara tungkol sa pang-aagaw na ginawa ni Minchie kay Dio.
Pag-uwi ni Minchie, napagtanto niyang may galit pa rin sa kanya si Dara at na peke lang ang pagkakaibigan na ipinakita nito sa kanya. Dagdagan pa ng malamang nasaktan ni Dara si Jeni, sumugod kaagad si Minchie sa Astra M para kumprontahin ang dating kaibigan.
Dito, maging si Perry ay hindi na pinalampas ang masasakit na salitang ibinabato ni Dara kay Jeni at Minchie, at pamimisikal nito sa asawa. Sa ngayon, ang tanging inaalala na lang nina Perry at Minchie, maprotektahan ang anak na si Jeni mula sa galit ni Dara.
Saan kaya hahantong ang galit na ito ni Dara, at paano pa maaapektuhan ang buhay nina Jeni, Minchie, at Perry? Subaybayan ang kuwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.