
Isang mahalagang desisyon ang kailangan gawin ni Jeni (Zephanie) tungkol sa kaniyang karera at pamilya sa GMA Afternoon Prime Series na Born to Shine.
atatandaan na kamakailan lang ay inilunsad ang pinakabagong P-Pop girl group na YUMI na kinabibilangan ni Jeni, Megan (Olive May), Yuna (Mitzi Josh), Nancy (Gaea Mischa), at Alfea (Naya Ambi).
Ngunit sa launch, hindi pinayagan ang ina ni Jeni na si Minchie (Manilyn Reynes) na pumasok sa venue. Ang paniniwala niya, kagagawan ni Dara (Vina Morales) ang pagpigil sa kaniyang makapasok.
Kaya naman, noong makita niya sa parking lot sina Dara, naibuhos niya ang galit dito at sinigaw-sigawan. Sa katunayan, muntik na nga magkapisikalan kung hindi lang napigilian ng mga gwardya at ni Perry (Smokey Manaloto) ang kaniyang asawa.
Ngunit lingid sa kaalaman nila, may nag-video ng pangyayari at ikinalat ito sa social media, dahilan para sabihan ni Monica (Roselle Nava) ng Astra Music si Jeni na huwag ipapaalam sa publiko ang pagkakakilanlan ng kaniyang ina.
Inihingi na rin ni Jeni ng tawad si Minchie kay Dara at nakiusap na huwag na kasuhan ang kaniyang ina. Payag naman sana rito si Dara, ngunit sa isang kondisyon: kailangan lisanin ni Jeni ang grupo kundi ay ipapakulong niya si Minchie.
Ngayon, kailangan mamili ni Jeni: ang kapakanan ng kaniyang ina, o ang manatiling miyembro ng YUMI na pangarap niya.
Abangan sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.
TINGNAN ANG MASAYANG RELASYON NINA VINA, MANILYN, AT TINA PANER SA LIKOD NG KAMERA SA GALLERY NA ITO: