
Magsisimula na ang solo era ni Jeni (Zephanie) sa Born to Shine!
Ito ay matapos siyang ilagay sa hiatus ni Monica (Roselle Nava) mula sa YUMI pagkatapos ng ilang gulo na kinasangkutan niya, ng kaniyang pamilya, at nila ni Megan (Olive May).
Matatandaan na sa mismong araw ng kaarawan ni Jeni ay ibinulgar ni Chikanene (Inah Evans) ang totoong pagkatao ni Jeni: na anak siya ni Dio Halari (Rayver Cruz). Kaya naman, ang young star, inulan ng pamba-bash at pangungutya ng fans.
Maging ang mga magulang niyang sina Minchie (Manilyn Reynes) at Perry (Smokey Manaloto), hindi rin nakaligtas mula sa galit at panlalait ng mga tao.
Lalong pinalala nina Megan, ang ina niyang si Dara (Vina Morales), at ni JC (Kobie Brown) ang sitwasyon nang mag-post sila ng videos at magpa-interview kung saan lalo nilang idinidiin si Jeni at ang pamilya nito.
Dahil sa mga kontrobersiya, ilang brands at endorsements ng YUMI ang nag-pull out na, dahilan para pagdesisyunan nina Monica at ng Astra M na ilagay si Jeni sa hiatus. Pero si Minchie, hindi nagustuhan ang ginawa sa kaniyang anak.
Sabi pa nito, tila hindi pinapahalagahan nina Monica at ng Astra M ang ambag ni Jeni sa YUMI. Dahil dito, nagpasya si Minchie na tuluyan nang alisin si Jeni sa Astra M at sa YUMI.
MULING KILALANIN ANG COACHES SA P-POP BOOTCAMP NA HUMUBOG KAY JENI AT SA YUMI SA GALLERY NA ITO:
Ngunit ang pangarap na akala ni Jeni ay natuldukan na, hindi pa pala nagtatapos dahil sa pagbabalik ni Coach Vanna (Sheryl Cruz), ang coach na nag-handle at namili sa mga miyembro ng YUMI sa P-Pop boot camp bago pa sila nagsimula.
Sa pagkakataong ito, iaangat naman ni Coach Vanna si Jeni bilang isang solo artist, bagay na, pag-amin ni Jeni, ay kinakatakot niya. Ayon sa young singer, nasanay kasi siyang kasama ang grupo sa entablado, kaya nagkakaroon siya ng pangamba kung kakayanin ba niya mag-isa.
Pero si Vanna, puno ng kumpiyansa sa talento at puso ni Jeni at kinumbinsi itong ipagpatuloy niya ang pangarap bilang isang artist. Maging ang mga magulang ng dalaga, ang kaibigan niyang si Basha (Miggs Cuaderno), at mga kaibigan nila sa dating tinitirahan sa Port Uno, ipinahayag ang tiwala nila kay Jeni.
Sa kabila ng pamba-bash na kinakaharap ngayon ni Jeni, at sa kawalan niya ng tiwala sa sarili, tinanggap pa rin niya ang alok ni Vanna para maging isang solo artist.
Ito na ba ang simula ng pag-usbong ng bagong karera ni Jeni?
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.