
Nalaman na sa wakas ni Megan (Olive May) na kapatid niya si Jeni (Zephanie), na anak ng ama niyang si Dio (Rayver Cruz), sa Born to Shine. Hindi lang iyon, nalaman na rin ng dalaga ang iba pang sikretong itinatago ng ina niyang si Dara (Vina Morales).
Matatandaan na nitong mga nakaraang episode ay nakita na ng Yumi ang litrato ng basher na nanggulo sa kanilang fan meet, at siniraan at ipinahiya si Jeni sa publiko. Kalaunan, napansin din ni Megan na tila laging may kausap ang inang si Dara nang patago.
Hindi nagtagal, nakita niya ang litrato ni Dara kasama ang naturang fan at dito niya napagtanto na ito ang presidente ng fan club ng kaniyang ina. Ngunit kahit kinompronta na niya si Dara, itinanggi nitong alam niya ang ginagawa ng kaniyang fan.
MAS KILALANIN PA SI OLIVE MAY, ANG GUMAGANAP SA KARAKTER NI MEGAN SA 'BORN TO SHINE' SA GALLERY NA ITO:
Sa June 20 episode, nakita ni Megan na may aali-aligid sa harap ng kanilang bahay at doon, nakita niya si Karina (Gilleth Sandico). At dahil nahuli na siya ni Megan, inamin na ni Karina ang totoo tungkol sa pagiging parte ng kaniyang ina sa panggugulo, at sa aksidenteng nangyari kay Perry (Smokey Manaloto).
Muli, kinompronta ng dalaga ang kaniyang ina at dito, sinabi niyang inamin na sa kaniya ni Karina ang totoo. Dahil sa matinding galit ni Megan sa kaniya, inamin na ni Dara ang totoong dahilan kung bakit niya nagawa iyon: gusto niyang saktan sina Minchie (Manilyn Reynes) at Jeni, at sinabing magkapatid sila ng kagrupo.
Noong una ay hindi matanggap ni Megan ang sinabi ng ina at pinagbintangan pang gumagawa lang ito ng kuwento, hanggang sa ipakita niya ang DNA test result ni Jeni. Nakasaad doon na match ang DNA nila ni Dio, na dahilan para tuluyan nang bumigay si Megan.
Ngayong alam na ni Megan ang totoo, tungkol sa pagkatao ni Jeni at sa may kasalanan sa gulo sa fan meet, handa ba siyang ipaalam ito, o itatago ang sikreto para sa ina?
Subaybayan ang kwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream. Mapapanood din ito sa mobile devices via GMA Play app.