
Nagsisimula nang maghinala si Minchie (Manilyn Reynes) tungkol sa mga sikretong itinatago ni Dara (Vina Morales) sa Born to Shine!
Matapos humiwalay ni Jeni (Zephanie) sa YUMI, tinulungan siya ni Vanna (Sheryl Cruz) na simulan ang kanyang solo career. Ngunit dahil nalalamangan ng dalaga si Megan (Olive May), hindi makapayag si Dara at ginagawa ang lahat para masabotahe ang muling pag-angat ni Jeni.
Sa katunayan, isa sa mga ginawa ni Dara ay pigilan ang album launch ni Jeni sa En Grande Music at kinausap ang may-ari nito na si Freddie (Christian Vasquez) para mahinto ito. Sa isang pagkakataon na nagpunta si Dara sa opisina ni Freddie, kinuha pa niya ang isa sa mga kantang ginawa ni Jeni at ibinigay kay Megan para unahan ito.
Pero si Minchie, malakas ang hinala na may pinaplano na namang hindi maganda si Dara, kaya mahigpit ang pagbabantay niya dito. May mga pagkakataon pa nga na naririnig ni Minchie na kausap ni Dara si Freddie, at umabot pa siya sa pagkompronta sa dating kaibigan sa harap mismo ng music producer.
TINGNAN ANG PAGKAKAIBIGAN NG ROSABELLAS NA SINA VINA MORALES, MANILYN REYNES, AT TINA PANER OFF-CAM SA GALLERY NA ITO:
Ngunit ang hindi alam ni Minchie, ang mga pagkakataong muntik na niyang mahuli si Dara at Freddie ay may ibang ginagawa na ang dalawa dahil may isa pa silang sikreto, ang lihim nilang relasyon.
Sa mga nakaraang episode, binalikan ni Freddie na nauna pa silang naging magkarelasyon ni Dara bago ito ikinasal kay Dio (Rayver Cruz) at siya kay Vanna. At ngayong wala na si Dio, maaari na nilang ituloy ang kanilang relasyon.
Dahil sa pagiging mapusok nilang dalawa, ilang beses na silang muntik mahuli ni Minchie kung hindi lang dahil sa mabilis na pag-iisip ni Dara para matakasan ang dating kaibigan. Sa huli, mabuking na kaya ang sikreto nina Dara at Freddie?
Subaybayan ang kuwento ng pag-abot sa pangarap sa Born to Shine, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.