
Bumisita sa TiktoClock studio ang binansagang King of Talk na si Boy Abunda nitong Martes (June 25).
Umpisa pa lang ng programa, masayang bumati ang talk show host na "Happy pride" sa lahat at sinorpresa kaagad ang Tiktotropa sa kaniyang special announcement ngayong Pride Month celebration.
Maraming nagulat nang ipinakilala ni Tito Boy ang kaniyang bagong grupo na THREE, kung saan binubuo ito ng mga solo singers na sina John Mark Saga, Anton Antenorcruz, at Raven Heyres.
Inawit ng grupo ang kanilang bagong kanta na "Bilang," ang lead song ng kanilang first LGBT-themed album, Say It Clear, Say It Loud.
Espesyal ito para kay Tito Boy dahil siya mismo ang nagsulat ng kanta at dedicated ito sa buong LGBTQIA+ community.
"Nakaka-proud dahil ito po'y isang, hindi naman pakiusap, this is a call to unity, to equality. Ito'y a call to make people realize napakarami po natin. Napakarami po namin at ang sinasabi ko 'happy pride' hindi lamang po sa ating mga kaibigan sa LGBTQIA+ community. Happy pride po sa mga nanay, tatay, Kapuso. Happy pride po sa buong mundo. So ang amin lamang, panawagan ng marami, pero maraming bansa pa kasi ay ang hindi nakikita, hindi nararamdaman, hindi naririnig, ang mga LGBTQ people. So patuloy pa rin kaming sumisigaw, kumakanta, sumasayaw, para lamang makita at maramdaman," paliwanag ni Tito Boy.
Proud din makabilang sa grupo ang tatlong singers dahil alam nila ito ay special at meaningful para sa LGBTQIA+ community.
"I'm just really honored to be part of this project kasi alam kong special ito kay Tito Boy and syempre sa aming lahat. Ito 'yung choice namin and action namin to be seen and I think that's important this month," sabi ni Saga.
Para naman kay Anton, masaya siya na maging kabilang sa proyekto dahil ito rin ay ang kauna-unahang LGBT-themed album sa bansa.
Aniya, "Dahil Pride month ngayon, sobra po akong proud na mapabilang dito sa grupong ito at sa project na ito. At gusto ko magpasalamat kay Tito Boy sa tiwala na binibigay nila sa amin. I think po we are making history today sa pagkanta at sa pag-realease ng kantang ito dito sa TiktoClock."
Dagdag naman ni Raven, "Ako naman po personally, na-feel ko ay overwhelm ako sobra and medyo pressured din po kasi newbie lang po ako sa industry and jump po kaagad kay Tito Boy na makaka-work ko po siya kaagad."
Panoorin ang mensahe ni Boy Abunda tungkol sa kanilang kanta na "Bilang," dito: