
“Sure ba kayong si Angge ito? Baka si Sweet Lapus yan ha. Remember kakatapos lang ng eclipse.”
Ito ang kuwelang hirit ng netizens sa second wedding ng aktres na si Angelica Panganiban at ng asawa niyang si Gregg Homan sa Siargao noong Sabado, April 20.
Ang birong ito ay hango sa pelikulang pinabidahan ni Angelica noong 2010, ang comedy-fantasy na Here Comes the Bride na tungkol sa kuwento ng limang taong nagkapalit-palit ng kaluluwa dahil sa solar eclipse.
Si Angelica ay gumanap bilang bride na si Stefanie, ang pinasukan ng kaluluwa ng isang gay na si Tofee na ginampanan naman ng comedian-actor na si John “Sweet” Lapus.
Ngayong ikinasal na sa totoong buhay si Angelica, biniro ng netizens ang aktres at ang asawa nito na si Gregg.
“Na-check kayang mabuti ni Gregg Homan kung si Angelica Panganiban ba talaga ang napakasalan niya at hindi si John Lapus na nasa katawan nito?” post sa isang Facebook page.
Ang isang netizen, ni-relate pa ang kasal ni Angelica sa nangyaring solar eclipse nito lamang April 8.
“Sure ba kayong si Angge ito? Baka si Sweet Lapus yan ha. Remember kakatapos lang ng eclipse,” post nito sa isang Facebook group.
Samantala, present naman sa nasabing beach wedding ni Angelica ang maraming celebrities gaya ng It's Showtime hosts na sina Anne Curtis, at Kim Chiu.
Dumalo rin dito ang iba pang malalapit na kaibigan ni Angelica kasama ang Running Man Philippines member na si Glaiza De Castro, aktres na si Bella Padilla, John Prats, Maris Racal, at pamilya ni Judy Ann Santos-Agoncillo.
Unang ikinasal sina Angelica at Gregg sa Los Angeles, California, noong December 31, 2023.
RELATED GALLERY: Angelica Panganiban and Gregg Homan welcome guests for second wedding in Siargao