
Sinorpresa ng You're My Favorite Song lead stars na sina Caprice Cayetano at Heath Jornales, o mas kilala bilang ang tambalang 'CapEath,' ang kanilang mga solid na fans at supporters ng isang maganda at kapana-panabik na anunsyo tungkol sa kanilang mga susunod na proyekto.
Matapos ang kanilang matagumpay na pagsasama sa katatapos lamang na hit romance-drama sa GMA Afternoon Prime, nakisaya noong Sabado, August 1, sina Caprice at Heath kasama ang kapwa nila stars sa serye na sina Clifford at Marco Masa sa ginanap na grand fan meet na dinaluhan ng napakaraming tagasubaybay at fans.
Sa naturang fan meet, bago magtapos ang programa, may inanunsyo ang 'CapEath' na magandang balita na talagang ikinasorpresa ng lahat.
Ibinalita ng dalawang young Kapuso stars ang kanilang muling pagsasama sa isang proyekto, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na lamang sa telebisyon, kundi sa big screen na.
“Mayroon po kaming paparating na film. Kaya abangan niyo, Faves! Malapit na malapit na,” masayang anunsyo ni Caprice.
“Yes guys. Ang dami niyo pa pong aabangang projects sa amin. Abang-abang lang guys,” dagdag naman ni Heath.
Hindi naman napigilan ng 'CapEath' fans ang kanilang tuwa at pagkagulat sa balitang ito mula sa kanilang mga idolo, kaya't nag-uumapaw na hiwayan at sigawan ang naging tugon nila noong gabing iyon.
Kinakiligan din ng marami ang pagtatapos ng seryeng You're My Favorite Song. Nagtapos ito sa pagbibigay ng sulat ni Angel (Caprice Cayetano) sa tatlong lalaking may pagtingin sa kanya na sina Miguel (Heath Jornales), Calix (Clifford), at Zion (Marco Masa). Sa huli, si Miguel pa rin ang pinili ng dalaga bago ito lumipad patungong Amerika kasama ang kanyang pamilya.
Nagsimula ang lahat nang magkasama nina Caprice at Heath sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0, kung saan agad na nakuha ng dalawa ang puso ng bayan.
Dito ipinamalas ni Caprice ang kanyang galing na nagdala sa kanya bilang Big Winner, habang si Heath naman ay lumaban hanggang sa Big 4 bilang 2nd Big Placer.
Ang mainit na suportang ito mula sa PBB ay dinala ng fans sa kanilang paglabas, kaya naman naging higit na matagumpay ang You're My Favorite Song, ang kauna-unahan nilang pagtatambal sa telebisyon.
Related Gallery: Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, Caprice Cayetano bring kilig to 'You're My Favorite Song' fan meet