
Ibinahagi ni Carla Abellana ang kanilang napagkasunduan ni Tom Rodriguez para maiwasan ang mga pagtatalo sa pagpaplano ng kanilang nalalapit na kasal.
Kuwento ni Carla sa hosts ng Sarap, 'Di Ba?, na sina Carmina Villarroel at Cassy Legaspi, tulad ng ibang couples, dumadaan din sila sa pagtatalo o pagkakainitan ng ulo ni Tom sa pagpaplano ng kasal.
Pag-amin ni Carla sa episode nitong October 16, "Meron din. Part 'yun. It's part of it."
Photo source: @carlaangeline
Ayon pa kay Carla, hindi madaling pagsabayin ang trabaho at pagpaplano ng kanilang kasal. Ipinakita rin ng aktres ang wedding preparation nila ni Tom sa kaniyang YouTube channel.
"May times rin, siguro dala na rin ng pagod at puyat from our lock-in tapings, nag-a-argue kami."
Sina Carla at Tom ay abala sa kanilang lock-in taping ng To Have and To Hold at ng The World Between Us.
Ayon kay Carla, naging usapan nila ni Tom na huwag ibuhos sa isa't isa ang kanilang mga nararamdamang stress sa pagpaplano ng kanilang kasal.
"Basta lagi namin sinasabi na huwag nating ibuhos sa isa't isa 'yung fears natin, 'yung stress natin."
Dugtong pa ni Carla, "Kumbaga, itinatabi namin 'yung thought na hindi lahat nasa control natin. So huwag namin ibuhos sa isa't isa."
Ang engagement nina Carla at Tom ay ginanap noong October 2020. Ibinahagi ng Kapuso couple ang balitang engaged na sila nitong March 2021.
Nakatakdang ikasal sina Carla at Tom ngayong October 2021.
Samantala, tingnan naman ang relationship timeline nina Carla at Tom sa gallery na ito: