
Isa ang Filipino athlete na si Carlos Yulo sa People of the Year 2025 awardees ng high society magazine na PeopleAsia.
Tinanggap ng two-time Olympic gold medalist ang kanyang tropeo sa naganap na awards night ng naturang magazine kamakailan sa Makati City.
Sa “Chika Minute” report ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras, isang karangalan para kay Carlos ang maging bahagi ng People of the Year 2025.
“Blessed and honored po na isa po sa mapili na mabigyan ng ganitong ka-special na award from PeopleAsia magazine. Sobrang nagpapasalamat ako sa kanilang lahat,” pagbabahagi niya.
Ayon pa sa report, nagsimula na si Carlos sa training para sa mga sasalihan niyang kompetisyon ngayong taon.
Bukod dito, may inspiring message rin ang 25-year-old gymnast para sa kapwa Pinoy athletes.
“Mas magpursigi tayo. Hindi bale nang sa una kaunti 'yung sumusuporta, mag-focus tayo sa goal natin, sa kung ano 'yung gusto nating gawin sa buhay. And sa craft natin, palagi nating bigyan ng oras at siyempre, huwag kakalimutang mag-enjoy sa proseso.
“Hindi madali 'yung mga pinagdadaanan natin, naiintindihan ko kayo at super proud ako, on and off competition. Sobrang proud ako sa inyong lahat,” ani Carlos sa GMANetwork.com.
Bukod kay Carlos Yulo, kabilang din sa People of the Year 2025 awardees sina Marian Rivera, Michael Leyva, Dr. Steve Mark Gan, Kevin Tan, Ramon Orlina, Ronnie Ong, Bruce Winton, at Col. Ariel Querubin.
SAMANTALA, BALIKAN ANG JOURNEY NI CARLOS YULO SA 2024 PARIS OLYMPICS SA GALLERY NA ITO.