
Nagsalita na ang two-time gold medalist na si Carlos Yulo tungkol sa mga kontrobersiya na kumalat sa internet kasabay ng kanyang pagkapanalo sa 2024 Paris Olympics.
Sa kanilang panayam kasama si Toni Gonzaga, ibinahagi ni Carlos kung paano niya raw hinahawakan ang mga isyu tungkol sa kaniya, sa kaniyang pamilya, at girlfriend na si Chloe Anjeleigh San Jose.
Ayon sa kaniya, mas pinipili niyang huwag patulan ang mga maling balita at opinyon ng iba dahil alam niya ang katotohanan at mas kilala raw niya ang kanyang sarili.
"[Hindi nagma-matter] 'yung sinasabi ng tao, 'yung mga naririnig nila. Syempre 'yung family ko ano-ano din ipinapalabas nila which is hindi naman po talaga totoo," pahayag ni Carlos.
Ipinahayag din ng atleta na hindi niya maaaring ikuwento ang buong detalye ng kanyang sitwasyon dahil masyadong personal ito para isapubliko. Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Carlos na ang mahalaga ay alam niya ang katotohanan at natutunan niyang patawarin ang kanyang pamilya. Inamin din niya na nagkaroon ng pagkakataon na naging emosyonal siya at nasagot ng masama ang kanyang pamilya. Ngayon mas pinipili niyang mag-focus sa sarili at sa relasyon nila ni Chloe.
"Basta alam ko sa sarili ko, sa puso ko na napatawad ko na sila and inamin ko sa sarili ko na nagkamali ako, kinarma na ako kasi mali nga naman na sagutin mo sila ng ganoon. Syempre, emosyonal ka na po, e. Gusto mo ipaglaban ang sarili mo and 'yung relationship mo. Alam ko ang mali ko and tinanggap ko iyon, pinagdasal ko 'yun kay Lord, humingi ako ng tawad, magpo-focus ako sa sarili ko ngayon and sa relationship namin ni Chloe, nag-focus sa Olympics," paliwanag niya.
Nang tanungin si Chloe tungkol sa sitwasyon ni Carlos, inamin niya na nasasaktan din siya dahil alam niya ang hirap na pinagdadaanan ng nobyo.
"Siyempre nasasaktan po ako kasi it happened to me na so I know how it feels like na your own blood is like putting him down, hindi naniniwala sa iyo, ganiyan. Yeah, family first but family should be the first ones also na sinusuportahan ka, pinoprotektahan ka. So why is it the opposite? Sila 'yung nauunang mag-down sa iyo, sila 'yung unang hindi naniniwala sa iyo, so why is that? So para sa akin po, doesn't make any sense or 'di po nagtutugma 'yung, 'family first dapat.' So family first should be the first one to love you and support you unconditionally po," ani ni Chloe.
Sa kabila ng mga pagsubok, nananatiling matatag ang relasyon nina Carlos at Chloe. Para kay Carlos, nagbibigay ng kapayapaan at inspirasyon si Chloe sa kanya. Alam din niyang siya ang “the right one” para sa kanya, at nakikita niya na pakakasalan niya ito sa tamang panahon.
Para naman kay Chloe, nararamdaman niya ang seguridad na ibinibigay ng atleta sa kanya dahil sa patuloy na pagtanggap nito sa kanya, kahit sa gitna ng mga isyung kanilang hinaharap.
Balikan ang sweet photos nina Chloe at Carlos sa gallery na ito: