
Pasok bilang isa sa bagong housemates ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 si young Kapamilya singer Carmelle Collado.
Kontesera si Carmelle at nanalo sa "Tawag ng Tanghalan: The School Showdown" at naging first-runner up sa ikaapat na season ng The Voice Kids sa ilalim ng ABS-CBN.
Gayunmapan, naninibago pa rin daw siya sa nalalapit na pagpasok sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.
"'Yung mga competitions for po na sinalihan ko, mga singing competitions. 'Yun po talaga 'yung mga usual competitions [na sinasalihan ko]. But ito pong PBB, ibang-iba po talaga siya sa mga competitions. Talagang mate-test po kung sino ka man po. Mas makikilala ka pa po, hindi lang bilang isang artist, kundi bilang isang tao po. Of course, sa loob ng Bahay ni Kuya, mararamdaman mo 'yung mga different emotions and aside from that, may makikilala kang iba-ibang tao po talaga," pahayag ni Carmelle.
Aminado rin siyang nag-alinlangan siya sa pagsali sa hit reality show competition.
"I'm a private person po talaga. Gusto ko po may privacy ako. May time na gusto kong ipakita. Siyempre, sa work po namin, mapapakita 'yung hitsura ko. Pero this time, 24/7 po talagang makikita ka so very challenging," paliwanag niya.
Ready naman daw siyang harapin ang hamon na ito bilang bagong PBB housemate.
"I think this is another chapter po sa career na mayroon po ako. I'm really hoping na sana 'yung mga makakasama ko po sa loob, talagang magba-bond kami, magbi-build kami ng good and positive relationships sa loob po ng Bahay ni Kuya," lahad ni Carmelle.
Baon din daw niya ang kanyang pananampalataya at religious items tulad ng rosary bracelet na mula pa sa isang pari sa pagpasok niya as PBB House.
"Actaully, may dala rin po akong holy water galing sa pari. 'Yun po talaga 'yung feeling kong baon-baon ko po talaga na ako lang ang meron," bahagi ni Carmelle.
Biro pa nga niya, maaari itong gamiting pangbendisyon kung sakaling may mga housemates na mag-away.
Kasabay ni Carmelle, inanunsiyo rin si Kapuso actor Marco Masa bilang latest celebrity housemates na papasok sa Bahay ni Kuya.
Panoorin ang buong ulat ni Nelson Canlas para sa 24 Oras sa video sa itaas.