
Ibinida ng cast ng upcoming GMA Prime series na Mga Batang Riles ang intense action at drama scenes na dapat abangan sa kanilang serye.
Ayon sa isa sa mga bida nitong si Miguel Tanfelix, kailangan daw nilang maging handa physically at emotionally sa bawat eksena.
"Every taping day, parang lagi kaming mayroon at least isang mabigat na eksena. Nabo-blown away ako 'pag nababasa ko 'yung script. Grabe, ang ganda naman nitong pagkakasulat na 'to," pahayag ng aktor.
Ganito rin ang naging pahayag ng co-star niyang si Kokoy de Santos na sanay sa mga reality at comedy shows pero napasabak din sa action scenes.
"Madalas, bakbakan dito. May mga eksena na subtle lang naman pero may bubog eh, laging may hugot," aniya.
Suwerte daw sila dahil kasama nila sa serye ang beteranong action star na si Ronnie Ricketts at minabuti rin nitong bigyan sila ng fight training.
Bukod dito, nag-acting workshop din sila sa ilalim ni GMA Sparkle Prime acting workshop head Ana Feleo at award-winning director Laurice Guillen na nagsisilbi rin bilang isa sa mga direktor ng Mga Batang Riles.
"Mas na-excite ako kasi alam ko kung paano 'yung atake niya eh. I'm very lucky kasi mas natutunan ko 'yung character ko," lahad ni Bruce Roeland na isa rin sa lead stars ng serye.
Aminado naman sina Raheel Bhyria at Antonio Vinzon dahil sa tindi ng kanilang mga eksena.
"Siyempre, hindi natin maaiwasan 'yung maaksidente. We learn from it and sa susunod, hindi na gagawin 'yung ganoong mga mali," bahagi ni Raheel.
Nakatanggap naman daw ng tips si Antonio mula sa kanyang ama na si Roi Vinzon na isa ring beteranong action star.
"'Yun 'yung sinabi niya, makikisama sa mga tao. Saka second, dapat maging mabuti kang aktor, dapat reading script," kuwento ni Antonio.
Bukod sa kanila, kasama rin sa Mga Batang Riles sina Jeric Raval, Jay Manalo, Zephanie, Eva Darren, at marami pang iba.
Panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.