
Game na game na haharap sa Family Feud ang ilan sa supporting cast ng pinakabagong primetime series ng GMA na The Master Cutter ngayong Biyernes.
Ngayong May 15, kasabay ng makulay na selebrasyon ng Pahiyas Festival sa Quezon province, siguradong aabangan kung sino ang magwawagi sa masayang bakbakan ng Team Master at Team Cutter sa Family Feud stage. Mas exciting pa ang tapatan dahil mga katrabaho mismo ng Family Feud host na si Dingdong Dantes ang maghaharap-harap. Si Dingdong ay ang bida ng The Master Cutter at napapanood bilang si Atoy.
Pangungunahan ng veteran actress na si Rio Locsin ang Team Master. Sa serye, ginagampanan niya ang role ni Ninang Cita Samonte, ang ninang ni Atoy. Kilala rin si Rio bilang dating gumanap sa iconic title role ng pelikulang Bira, Darna, Bira, at game na game pa niyang tinanggap ang hamon ni Dingdong na ulitin ang sikat na sigaw ni Darna.
Kasama ni Rio sa Team Master sina Ketchup Eusebio, na gumaganap bilang kaibigang tailor at confidante ni Atoy; Dylan Talon, isang dedicated thespian at senior production designer mula sa FEU Theater Guild; at veteran character actor na si Simon Ibarra.
Samantala, haharap sa kanila ang Team Cutter na pinangungunahan ng mga kontrabida ng action-drama series. Ang captain ng grupo, si Tonton Gutierrez, ay mapapanood bilang si Dmitri Regalia, ang lider ng isang crime syndicate sa serye. Kasama rin niya si Polo Ravales bilang si Paldo Castro, ang childhood bully ni Atoy.
Kukumpleto sa lineup sina Lou Jude Gonzalez at John Feir, na siyang nagbibigay ng comic relief sa serye.
Abangan ang fresh episode ng Family Feud ngayong Biyernes, May 15, 5:35 p.m. sa GMA at sa Kapuso Stream.
Patuloy pa rin ang mas pinalawak na “Guess More, Win More” promo ng Family Feud. Network-wide na ang bigayan ng papremyo dahil kasali na rin sa "Guess More, Win More" ang GMA Afternoon Prime at GMA Prime programs na Born to Shine, House of Lies, Apoy sa Dugo, Fast Talk with Boy Abunda, The Sweetest Taboo, The Master Cutter, at Never Say Die.