
May plano na kaagad si Pambansang Ginoo David Licauco na sumali sa susunod na indoor fitness competition na Hyrox.
Matatandaang naging matagumpay ang debut ng aktor sa Taipei, Taiwan leg ng nasabing kumpetisyon.
Nagtala siya dito ng oras na 01:07:48 kaya nagtapos sa rank 53 sa overall competition at rank 19 sa age group na 30 to 40.
Si David din ang rank 1 sa lahat ng Filipino participants nito.
Umani ng halos 2,000 participants ang Taipei leg ng Hyrox.
Samantala, isa't kalahating buwan daw nag-train si David para sa kumpetisyon.
"Leading up to this event, nakakatuwa na mayroon akong ni-look forward to, para may reason na bakit ka nagte-training. Kasi I've been training all my life pero wala namang end goal. 'Yung competitiveness ko, nabubuhay dahil sa sport na 'to," pahayag niya.
Talagang napukaw ng sport ang interes ni David kaya sa ibang kategorya naman siya papasok sa susunod na Hyrox competition na gaganapin naman sa Hong Kong.
Pinangalanan din niya ang kapwa Kapuso artist na makakasama niya dito bilang partner.
"I'm joining sa May, with Vince Maristela pero doubles," lahad niya.
Bukod sa training, patuloy din daw ang pag-aaral niya tungkol sa Hyrox.
"Kailangan mo talagang alamin and siguro 'yun talaga, 'yung lack of knowledge sa sport, doon ako nahirapan," paliwanag ni David.
Gusto rin daw niya na patuloy na mag-improve ang kanyang performance.
"I just don't want to beat the Philippine record but I want to beat everyone. Siguro, sali ako ulit ng open division na solo. I want to be better sa next (competition). Ang goal ko talaga is maging elite 15," aniya.
Bukod sa pagpapatuloy ng kanyang training, magiging busy din si David sa pagbabalik niya sa taping ng kanyang GMA Prime action series na Never Say Die.
Panoorin siya dito bilang investigative journalist na si Andrew Dizon mula Monday to Friday, 8:55 p.m. sa GMA Prime. May same-day replay ito sa GTV tuwing 10:30 p.m.
Maaari rin itong i-livestream sa GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play.
Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.
Panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.