
Magpapaalam na ang GMA comedy program na Dear Uge matapos ang anim na taon.
Nakatakdang ipalabas ang last episode ng Kapuso weekly show sa darating na Linggo, February 13.
Sa huling handog ng Dear Uge, ipapalabas ang bagong episode na pinamagatang "Maid To Order," kung saan tampok sina Patricia Ismael, Buboy Villar, Muriel Lomadilla, Luke Conde, at Brent Valdez.
Tungkol ito kay Senyora Santina (Patricia) at sa kanyang mga katiwala na sina Yaya Osang (Muriel) at Nel (Buboy). Napamahal na si Senyora kina Osang at Nel kaya pamilya na ang turing niya sa mga ito. Sa katunayan, beneficiaries pa nga ang dalawa ng life insurance ng mayaman nilang amo.
Pero kapalit ng good gesture na ito, makatatanggap ng death threats si Senyora Santina.
Sa pagtatapos ng Dear Uge, nagpasalamat ang main star ng programa na si Eugene Domingo sa mga tumangkilik ng kanyang show, na napanood sa Sunday afternoon block ng GMA na Sunday Grande Sa Hapon sa loob ng anim na taon.
Aniya, "Our show premiered in February 2016 and has been a part of many wonderful memories in my life since then.
"Thank you very much to everyone who has been a part of this show that surpassed all challenges encountered in keeping a show alive & exciting! But all things, even the good ones they say, have to end."
Dagdag pa ng award-winning comedienne at TV host, "Congratulations to the team! I hope to work with you again. Thank you so much @gmanetwork for the opportunity!"
Inilunsad ang Dear Uge noong February 14, 2016.
Unang lumabas si Eugene bilang nakakaaliw na variety store owner na nagbabasa ng life problems mula sa kanyang letter senders at nagbibigay ng payo sa mga ito. Nakasama ni Uge sa kanyang tindahan si Divine Aucina, na gumanap sa role na Devine, at iba pang mga artista.
Noong May 30, 2021 nag-reformat ang Dear Uge para ipakita ang bagong paraan ng pagkukuwento ni Eugene para itugma sa "new normal." Tampok dito ang all-new episodes ng Dear Uge at exciting lineup ng celebrity guests.
Sa loob ng anim na taon, nahuli ng Dear Uge ang kiliti ng loyal viewers nito kaya naman ilang beses din itong pinarangalan ng iba't ibang award-giving bodies.
Kabilang diyan ang 40th Catholic Mass Media Awards na humirang sa Dear Uge bilang Best Comedy Program noong 2018. Sa parehong taon, ginawaran din ng Anak TV Seal Awards ang GMA program.
Noong 2019, kinilala bilang Pinakamagiting na Programang Telebisyon ang Dear Uge ng 7th Kagitingan Awards, at Best Comedy Show ng 17th Gawad Tanglaw Awards.
Malapit mang mamaalam sa telebisyon, maaari pa ring mapanood ang past episodes ng minahal at kinagiliwang Dear Uge sa GMANetwork.com o GMA Network app, at sa YouTube channel ng YoüLOL.