
Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang ipakilala ng GMA Pictures at GMA Public Affairs ang inspirational drama film na Green Bones.
Dahil sa nakakaantig nitong kuwento at kahanga-hangang cinematography, agad itong tinangkilik ng mga manonood mula sa big screen hanggang sa online streaming platforms.
Hindi rin nagtagal, kinilala ang pelikula sa iba't ibang prestihiyosong award-giving bodies, kabilang ang Entertainment Editors' Choice Awards (The EDDYS) at ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards.
Bukod dito, pinarangalan pa ang main lead star na si Dennis Trillo sa international stage ng Asian Academy Creative Awards (AACA).
Dahil sa tagumpay at inspirasyong hatid nito, masasabing may espesyal nang lugar ang Green Bones sa puso ng maraming Pilipino.
Kaya naman ikinatuwa ng marami ang muling pagsasama-sama ng ilan sa mga bumuo ng pelikula.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni GMA Network Senior Vice President for Public Affairs and Executive Vice President for GMA Pictures Nessa Valdellon ang reunion nina Dennis Trillo at ng ilan sa creators ng proyekto.
Kabilang sa naturang pagtitipon ang direktor na si Zig Dulay, screenwriter na si Anj Atienza, GMA Public Affairs senior manager JC Rubio, at iba pang producers ng GMA Pictures.
"Literally and figuratively, the A Team is back,” ani Ms. Nessa sa captions.
Agad itong pinusuan ng fans, na natuwang makita muling magkakasama ang grupo. May ilan ding umasa na maaaring teaser ito ng panibagong proyekto mula sa award-winning team.
Unang nakilala ang Green Bones sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF), kung saan nakapag-uwi ito ng six major awards.
Tampok sa pelikula ang inspiring-drama story ni Domingo Zamora (Dennis Trillo), isang person deprived of liberty (PDL) na nagsisilbi ng sentensiya dahil sa pagpatay sa kanyang pamangkin. Habang papalapit ang kanyang paglaya, isang bagong prison officer na si Xavier Gonzaga (Ruru Madrid) ang nagiging determinado na panatilihin siya sa loob ng bilangguan—kahit ano pang mangyari.
Bukod kina Dennis at Ruru, kasama rin sa cast sina Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, Michael de Mesa, Ronnie Lazaro, Mikoy Morales, Royce Cabrera, Gerhard Acao, Raul Morit, Sienna Stevens, Sofia Pablo, Victor Neri, Kylie Padilla, Ruby Ruiz, Pauline Mendoza, at Enzo Osorio. May special participation din sina Iza Calzado at Nonie Buencamino.
Ang Green Bones ay binuo ng award-winning team ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at co-produced ng Brightburn Entertainment. Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures.
Sa kasalukuyan, shortlisted ang pelikula sa 2026 New York Festivals TV & Film Awards at patuloy na mapapanood sa streaming platform na Netflix.
Silipin ang donation project ng Green Bones sa Celda Sesenta sa gallery na ito: