
Bittersweet para sa Kapuso couple na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ang nalalapit na finale ng pinagbibidahan nilang GMA Prime series na Sanggang-Dikit FR.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, labis na mami-miss nina Dennis at Jennylyn ang kanilang co-stars dahil sa magandang samahan na nabuo sa serye.
"Magkahalong pakiramdam e dahil iba rin 'yung pagsasamahan namin na halos isang taon," ani ng Kapuso Drama King.
Dagdag ng Ultimate Star, "Sinasabi ko nga kay Dennis, sabi ko, baka maiyak ako pagkatapos. Kasi ngayon lang ako nakagawa ng show na ganito kahaba. At siyempre kapag ganito kahaba, 'yung samahan n'yo iba e, medyo nagiging tight. Mami-miss mo talaga 'yung mga kasama mo."
Kabilang sa mga tumatak na eksena ng mag-asawa sa naturang serye ay ang guest appearance ng Hollywood personality na si Conan O'Brien, pati ang kanilang trips sa Milan, Switzerland, at Dubai.
Bukod dito, babawi rin sina Dennis at Jennylyn sa kanilang mga anak ngayong hindi na sila gaano magiging abala sa trabaho. Magkakaroon din ng short vacation sina Dennis at Jennylyn kasama ang anak nilang si Dylan sa Amerika.
Kwento pa ng mag-asawa, isinasama nila ang bunsong anak sa mga huling buwan ng taping sa set ng Sanggang-Dikit FR.
“Last time na nandito siya, sabi niya, 'Mama, can I go to your set?' Pwede raw ba siyang sumali doon sa eksena. Sabi ko, 'Ay anak, hindi pwede kasi baka magalit si Direk' [laughs]," ani Jennylyn.
RELATED CONTENT: Jennylyn Mercado and Dennis Trillo's modern family