
Sumabak ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado sa gun handling and safety lessons para sa bagong action series na Sanggang Dikit FR.
Aminado si Jen na takot siyang humawak ng baril kaya naman nakaalalay ang asawa niyang si Dennis Trillo, na katambal niya sa inaabangang serye.
Hindi lang prepared kundi excited sa paggawa ng mga maaaksyong eksena ang aktres lalo na at kasama niya sa paggawa ng action routine ang kanyang mister sa Sanggang Dikit FR na comeback series nila matapos ang 10 taon.
"Syempre, importante 'yung training para makabisado namin 'yung paghawak ng baril, tamang posture, tamang form, 'yung mga parts din ng baril, kinakabisado namin," sabi ni Jennylyn sa panayam ni Lhar Santiago para sa 24 Oras.
Sa katunayan, kasama din si Dennis sa training, na dinaluhan din ng iba pang Sanggang Dikit FR cast members na sina Joross Gamboa, Allen Dizon, John Vic De Guzman, at Jess Martinez.
Ayon sa on and off-screen couple, kinailangan nilang sanayin ang kanilang sarili sa tamang paghawak ng baril dahil pulis ang gagampanan nilang role sa upcoming action series.
Ang Sanggang Dikit FR ay mula sa direksyon ni LA Madridejos at sa produksyon ng GMA Entertainment Group. Mapapanood ito sa Hunyo sa GMA Prime.
Related gallery: Photos that prove Jennylyn Mercado and Dennis Trillo are perfect for each other