
Matapos ang kanilang matagumpay na pagsasama sa award-winning prison drama film at entry sa Metro Manila Film Festival 2024 na Green Bones, muling magsasama sina Kapuso Drama King Dennis Trillo at Kapuso Prime Action Hero Ruru Madrid.
Bibida ang dalawa sa pinakabagong action series ng GMA Prime, ang Hari ng Tondo.
Bagamat nagkatrabaho na sa pelikula, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsasama sina Ruru at Dennis sa isang proyekto sa telebisyon.
Sa kanilang panayam sa "Chika Minute" ng 24 Oras, ibinahagi ng dalawang Kapuso aktor ang kanilang pananabik sa muling pagtatrabaho.
Ayon kay Dennis, bihira man silang magkasama ni Ruru, tiyak na malalaki at de-kalidad na proyekto ang ibinibigay sa kanila.
“Minsan lang kami magkatrabaho ni Ruru, pero kapag binibigyan kami ng pagkakataong magkatrabaho, siguradong maganda at isang malaking proyekto talaga,” ani Dennis.
Ipinahayag din ni Ruru ang kanyang pananabik na muling makatrabaho si Dennis. Aniya, mas marami na silang oras na magkakasama ngayon dahil isang buong serye ang kanilang pagbibidahan.
“Finally, ngayon [magkakasama kami] sa isang teleserye. Mas mahaba, mas maraming oras na magkakasama kami ni Kuya Dennis, so [I'm] very excited,” sabi ni Ruru.
Kamakailan, sumabak si Ruru sa isang immersion sa Tondo upang makisalamuha sa mga residente roon. Layunin nitong mas mapaghandaan at mabigyang-hustisya ang kanyang papel sa naturang serye.
Sa kanyang panayam, ibinahagi ng aktor ang mga natutuhan at mahahalagang realization mula sa kanyang karanasan kasama ang mga taga-Tondo.
“Noong natutuhan ko pong kilalanin sila at aralin sila, kung paano po sila mamuhay sa Tondo, na-realize ko na ganoon lang pala talaga sila kalalim na tao,” saad ni Ruru.
Naniniwala naman si Dennis na mas madaling makakakonekta ang publiko sa kuwento dahil sa pagiging makatotohanan ng mga karakter dito.
“Feeling ko, dito mas makaka-relate 'yung mga makakanood sa mga characters namin, hindi lang sa 'kin kundi pati kay Ruru at sa ibang artista rito,” sabi ni Dennis.
Nakatakda ring itampok nina Ruru at Dennis sa kanilang serye ang Filipino Martial Arts na Panuntukan. Ayon kay Ruru, pasok ito sa tema ng kuwento, kaya naman todo-ensayo na siya ngayon para sa kanilang mga matitinding fight scenes.
“'Yung panuntukan is dirty boxing, so sabi ko parang swak na swak ito sa Tondo,” ani Ruru.
“Ever since then, todo ensayo at kahit nasa Spain ako, takbo pa rin ako nang takbo,” dagdag pa niya.
Makakasama nina Ruru at Dennis sa seryeng ito sina Rocco Nacino, Victor Neri, Noni Buencamino, at Isko Moreno Ysabel Ortega, Elle Villanueva, Arra San Agustin, at Ryza Cenon.
Bahagi si Ruru ng Kapuso superserye Encantadia Chronicles: Sang'gre at bibida rin siya sa pelikulang Los Salvajes Bravos.
Samantala, si Dennis naman ay bumida sa maaksyong GMA Prime series na Sanggang-Dikit FR kasama ang kaniyang asawa na si Kapuso actress Jennylyn Mercado.
Related Gallery: Ruru Madrid visits Tondo, Manila