GMA Logo Dennis Trillo
What's Hot

Dennis Trillo, hindi pa rin makapaniwalang nanalo bilang 2024 MMFF Best Actor

By Kristine Kang
Published January 6, 2025 6:03 PM PHT

Around GMA

Around GMA

'Short-lived' La Niña to affect PH until early 2026 —PAGASA
4 hurt in Maguindanao del Sur explosion
A for A On Playlist

Article Inside Page


Showbiz News

Dennis Trillo


'Feels surreal' pa rin daw kay Dennis Trillo ang kanyang Best Actor award para sa 'Green Bones.'

Hindi maitatanggi na si Dennis Trillo ay isa sa mga mahuhusay na aktor sa industriya ng show business.

Kamakailan lamang, napahanga niya ang lahat sa kanyang pagganap bilang Domingo Zamora, isang person deprived of liberty (PDL), sa inspirational-drama film na Green Bones. Ang kanyang kahusayan sa pelikula ay nagbunga ng pagkapanalo bilang Best Actor sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa isang panayam kasama si Jessica Soho, ibinahagi ni Dennis na tila hindi pa rin siya makapaniwala na nakuha niya ang award na Best Actor. "Hanggang ngayon po surreal ang dating. Araw-araw hindi ako natatapos magbasa ng comments, ng mga nagme-mention sa akin. Ang sarap din po sa pakiramdam," sabi ni Dennis.

Masaya rin siya na maraming nagkomento na tila hindi si Dennis ang napapanood nila sa pelikula, kundi ang karakter niyang si Dom mismo. Ayon kay Dennis, matinding internalization ang kanyang ginawa upang magampanan ang karakter. Dahil hindi siya gaanong nagsasalita sa pelikula, minabuti niya ang bawat tingin at galaw ng kanyang kamay ay may partikular na ibig sabihin o emosyon.

"Siguro po 'yung pagkakasulat kasi ng kwento, 'yung pagkakadetalye ng karakter niya habang binabasa ko 'yung script, talagang nakatulong po, e. Nakatulong din po ang pag-aaral ng sign language at saka 'yung mga pinag-aralan (ko) din po 'yung kung ano talaga ginagawa ng PDL. Siguro naramdaman nila nabuo 'yung karakter," paliwanag ni Dennis.

Hindi ito ang kauna-unahang panalo ni Dennis sa prestihiyosong film festival. Noong 2004, pinarangalan siya bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang Aishite Imasu 1941: Mahal Kita at nanalo rin bilang Best Actor para sa 2018 MMFF entry na One Great Love.

Sa kanyang mga parangal, inamin ni Dennis na tila tumataas ang pressure sa kanya bilang aktor. Ngunit imbis na nagpapaapekto, mas pinipili niyang mag-focus at gawin ang kanyang best sa bawat proyekto na tinatanggap.

Aniya, "Basta lang hindi magpapa-pressure. Kapag binigyan ka ng napakagandang materyal, kailangan talaga ibigay ang best mo. Every work, every opportunity, every chance na maibigay sa iyo."

Mula sa pagiging notorious criminal, ibinahagi ni Dennis na nais niyang gumanap bilang isang serial killer sa kanyang susunod na proyekto. "Kasi ganoon din po 'yung mga hilig ko pong panooring pelikula," paliwanag niya.

Mapapanood pa rin ang Green Bones sa mga sinehan nationwide. Patuloy din ipapalabas ito sa mga ilang sinehan sa January 10 hanggang January 14.

Ang pelikula ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 2024 Metro Manila Film Festival. Idinerehe ito ni Direk Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Ito rin ay co-produced ng Brightburn Entertainment at kasama sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.

Samantala, balikan ang versatile career ni Dennis Trillo sa gallery na ito: