
Labis na kinamumuhian ngayon ang karakter ni Kapuso Drama King Dennis Trillo na si Col. Yuta Saitoh sa hit historical drama series na Pulang Araw. Katunayan, ayon sa aktor, ay namumura na siya ng mga tao dahil sa kasamaan ng kaniyang karakter.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, December 23, hiningan ni King of Talk Boy Abunda si Dennis ng isang funny experience sa pagganap niya bilang si Yuta.
"Minsan talagang hindi nila maiwasan magsabi ng mga... minsan minumura na 'ko talaga pero naiintindihan ko naman 'yun dahil napaka walanghiya rin naman talaga nu'ng character na ginagampanan ko sa Pulang Araw,” sabi niya.
Dagdag pa ng batikang aktor, kahit ganu'n ang karanasan niya ay natutuwa pa rin siya dahil ibig sabihin lang noon ay epektibo ang pagganap niya bilang isang kontrabida.
BALIKAN ANG MOST NOTABLE TELEVISION ROLES NI DENNIS SA GALLERY NA ITO:
Dagdag rin ni Dennis na hindi niya naiisip na siya ay isang brilliant actor, gaya ng paglalarawan sa kaniya ng batikang host. Aniya, “Ako lang po, basta ginagawa ko 'yung trabaho ko sa higit na mkakaya ko, binibigay ko talaga lahat para siyempre pinapahalagahan natin itong mga trabaho natin.”
“Bibihira lang 'yung mga nabibigyan ng ganitong kalseng pagkakataon, lalo na maging artista and feeling ko napakaswerte ko na nandito ako kaya everytime na mabibigyan ako ng chance na magpakita ng talent or kakayahan, talagang ibinibigay ko talaga lahat,” sabi ni Dennis.
Sabi pa ng aktor ay hindi naman niya naiisip na magiging magaling siya basta nagagawa niya ang lahat ng makakaya niya para sa trabaho.