
Ibinahagi ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang malalim na papel ng kaniyang asawang si Jennylyn Mercado sa kaniyang buhay, hindi lamang bilang katuwang kundi bilang gabay sa pagkakaroon ng mas buo at malawak na pang-unawa sa mga bagay-bagay.
Sa kaniyang pagsalang sa GMA News Interviews kasama si Nelson Canlas, buong pagmamalaking inilarawan ni Dennis si Jennylyn bilang kaniyang “sanggang-dikit” sa lahat ng aspeto ng buhay.
Ayon sa aktor, dumating na sila sa punto ng kanilang pagsasama kung saan tila iisa na ang takbo ng kanilang isipan.
“Sanggang-dikit ko talaga 'yan. Kumbaga parang pareho na kaming mag-isip. Masayang makahanap ng tao na gano'n na alam mo 'yon, ilalaan mo 'yung buhay mo, 'yung oras mo sa kanya, kasi alam mo na kapag kayo 'yung magkasama, maganda 'yung mangyayari sa mga buhay niyo,” ani Dennis.
Bukod sa kanilang matibay na samahan bilang mag-asawa, napag-usapan din sa panayam ang kanilang dynamics bilang mga magulang sa kanilang mga anak.
Dito ay inamin ni Dennis na pagdating sa pagdidisiplina, si Jennylyn ang mas matatag at mas strikto sa kanilang dalawa.
“Siya 'yung nagbibigay ng tough love sa kanilang lahat. Mabilis ako bumigay, siya 'yung matibay. Talagang kahit umiyak na ['yung mga anak namin], kayang tiisin 'yan. Ako 'di ko natitiis,” natatawang pagbabahagi ng aktor.
Masayang itinataguyod nina Dennis at Jennylyn ang kanilang blended family kasama ang kanilang mga anak mula sa mga nakaraang relasyon na sina Calix Andreas, anak ni Dennis kay Carlene Aguilar at Alex Jazz, anak naman ni Jennylyn kay Patrick Garcia.
Samantala, muling nagbabalik si Dennis sa Metro Manila Film Festival sa kaniyang pelikulang Amir kung saan makakasama naman niya ang isa pang magaling na child actor na si Argus Aspiras.
Kasama nina Dennis at Argus sa proyektong ito ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Inilunsad ang Amir kasabay ng tatlo pang opisyal na kalahok sa festival: 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films; Haunted Carnival ng Regal Films; at The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: Jennylyn Mercado and Dennis Trillo's modern family