
Hindi nagdalawang-isip ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo na ipahayag ang dahilan kung bakit matapang siyang tumayo at nagsalita upang ipagtanggol ang kaniyang asawang si Jennylyn Mercado at ang kanilang mga anak, matapos madawit ang kanilang pamilya sa kontrobersya kamakailan.
Sa kaniyang panayam sa GMA News Interviews kasama si Nelson Canlas, iginiit ng aktor na hindi siya maaaring manahimik na lamang kapag ang seguridad at reputasyon na ng kaniyang mga mahal sa buhay ang nakataya.
“Hindi ako puwedeng hindi maging vocal kapag ganito na 'yung mga sinasabi tungkol sa pamilya lalo na't involved na 'yung pamilya, involved 'yung mga mahal sa buhay, asawa't mga anak,” mariing pahayag ni Dennis.
Bagama't mas pinipili kadalasan ng mag-asawa ang tahimik at pribadong buhay sa kabila ng kanilang kasikatan, naramdaman ni Dennis ang bigat ng responsibilidad bilang haligi ng tahanan upang saluhin ang isyu at ilayo si Jennylyn sa stress na dulot nito.
“Nasabi na lahat 'yung mga dapat sabihan, kahit papaano na-resolve naman, pero mas masaya ako na hindi na 'yun kailangan pagdaanan ni Jen. Ako na 'yung kailangang magsalita at protektahan sila katulad ng role ng isang tatay 'di ba,” ani ng Kapuso actor.
Sa ngayon, nagpapasalamat si Dennis na unti-unti nang naaayos ang mga naging naging gusot.
Naniniwala siyang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang asawa at ama ang magsilbing tagapagtanggol ng kaniyang pamilya sa anumang pagsubok na kanilang haharapin.
Matatandaang nag-ugat ang kontrobersya nang basagin ni Patrick Garcia ang 18 taong pananahimik sa isang panayam upang linawin ang paghihiwalay nila ni Jennylyn at ang isyu tungkol sa anak nilang si Alex Jazz.
Dahil naging sentro ng usap-usapan sa social media si Jennylyn, agad na sumagot si Dennis online upang depensahan ang asawa.
Sa kabilang banda, masayang itinataguyod nina Dennis at Jennylyn ang kanilang blended family kasama ang kanilang mga anak mula sa mga nakaraang relasyon na sina Calix Andreas, anak ni Dennis kay Carlene Aguilar at Alex Jazz, anak naman ni Jennylyn kay Patrick.
Samantala, muling nagbabalik si Dennis sa Metro Manila Film Festival sa kaniyang pelikulang Amir kung saan makakasama naman niya ang isa pang magaling na child actor na si Argus Aspiras.
Kasama nina Dennis at Argus sa proyektong ito ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Inilunsad ang Amir kasabay ng tatlo pang opisyal na kalahok sa festival: ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films, ang Haunted Carnival ng Regal Films, at ang The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: Jennylyn Mercado and Dennis Trillo's modern family