
Usap-usapan ngayon ang umano'y dating sasakyan ni Derek Ramsay na nakuhanan ng pekeng plaka.
Isinuko na ang sasakyan sa Land Transportation Office (LTO), na ayon sa ahensya ay naibenta na ni Derek sa isang negosyante.
Base sa naging pahayag ng LTO nitong Martes, August 18, maaaring masuspinde o mabawi ang driver's licenses ng aktor at ng kaibigan niyang si Anthony Jude Violago dahil sa isyu ng pekeng plaka.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, mabigat ang paglalagay ng ibang plaka sa sasakyan dahil nagbabago umano ito sa identity ng sasakyan.
“Mabigat po 'yon kasi… kumbaga, pinapalitan 'yung identity ng sasakyan, ibang plaka 'yung nilagay, so bawal po talaga 'yun.”
“Tinitingnan din po natin kung maayos ang mga dokumento,” dagdag pa ng LTO official.
Matatandaang nagsimula ang imbestigasyon matapos makita ng isang agency personnel sa isang social media post ang isang Porsche 918 Spyder na tila may ibang plaka.
Sa kanyang recent post online, inilahad naman ni Derek na lahat ng kanyang sasakyan ay mayroong proper plates.
Related gallery: Silipin ang mga sasakyan ng ilang celebrities sa gallery sa ibaba.